Doktor, nakabangga ng tindahan at tricycle; sugatan matapos pagbabarilin ng mga pulis ang kaniyang kotse
_2026_10_13_15_53_14.jpg)
Isang kotse ang nagtangkang tumakas matapos makabangga ng tindahan at tricycle sa Iloilo City. Ang driver na napag-alamang isang doktor, sugatan matapos paputukan ng pulisya ng baril.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang paglapit ng mga pulis sa kotse.
Ngunit sa halip na makipagtulungan ang driver, sinubukan pa nitong tumakas.
Dahil dito, nagpaputok na ang tatlong pulis. Nagtamo ng 11 tama ng bala ang sasakyan, na huminto kalaunan.
Nagtamo ang driver na doktor ng tama ng bala sa tiyan, at dinala sa ospital.
Mahaharap ang driver sa kaukulang reklamo.
Nag-iimbestiga naman ang Iloilo City Police kung maituturing overkill ang pag-responde ng tatlong pulis, gayong walang narekober na armas sa driver.
Nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang NAPOLCOM Region 6.
Inalis muna sa puwesto ang tatlong pulis.
Nanawagan naman ng tulong ang may-ari ng tindahang nadamay sa insidente mula sa nakabanggang doktor .
Sinusubukan pang makuha ang panig ng nakabanggang doktor. —Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.