Lalaki, huli sa paulit-ulit na pananakit umano sa kaniyang live-in partner sa Marikina
Sa kulungan ang bagsak ng isang 34-anyos na lalaki dahil sa paulit-ulit umanong pananakit sa kaniyang live-in partner sa Marikina.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dinakip sa Barangay Fortune, si alyas “Bunso,” na may warrant of arrest dahil sa patong-patong na kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Sinabi ng Marikina City Police na nakaranas ang biktima ng dalawang magkahiwalay na insidente ng pananakit sa kamay ng kinakasamang akusado, na mga nangyari sa loob mismo ng kanilang tahanan.
“Ang una pong insidente ay nangyari pa po noong April 11. Kumbaga pinagsasaktan po siya nitong ating suspect. Noong May 8, 2026 naman po, batay po sa ulat na ating nakuha, doon pa rin po sa mismong bahay po nila nangyari po ‘yung insidente. At nagkaroon po muna sila ng hindi pagkakaunawaan na humantong po ito sa mainitang pagtatalo,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police.
Lumabas sa imbestigasyon na madalas na hindi magkaunawaan umano ng akusado at biktima na humahantong sa sakitan.
“Minsan 'yung pagtatalo po nila ay nauwi nga po sa mga mas matindi pang argumento na hanggang humahantong na nga po sa pananakit dito sa ating biktima po,” ani Tecson.
Nakakulong sa Marikina City Police Custodial Facility ang akusado, na tumangging magbigay ng pahayag. —Jamil Santos/ VAL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.