Vlogger, inireklamo sa pag-utos na hulihin at iligpit ang 2 aso na sumira umano sa mamahalin niyang tsinelas

Inirereklamo ang isang vlogger na viral dahil sa pag-utos niya na hulihin at saktan ang dalawang aso matapos sirain umano ng mga ito ang mamahalin niyang tsinelas sa Lemery, Batangas.
Sa ulat ng State of the Nation, mapanonood ang live video ng vlogger, na na-screen record ng uploader, na inuutusan ang isang lalaki na ipadampot at patayin ang isang aso.
Ilang saglit pa, pinahuli pa niya ang isa pang aso matapos ngatngatin umano ng mga ito ang mamamahalin niyang tsinelas.
Binura na ang orihinal na video, ngunit kumalat na ito online.
Sinabi naman ng barangay na nasagip na ang aso at kukunin ng Animal Kingdom Foundation.
Humarap na ang vlogger sa AKF at sinabing maglalabas siya ng apology.
Gayunman, sinampahan ng AKF ang vlogger ng reklamong paglabag sa Animal Welfare Act.
Tatlong aso umano ang ipinasuko sa vlogger para dalhin sa kanilang rescue center. —Jamil Santos/ VAL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.