The Daily Newsstand · Free, Always
Saturday, November 14, 2026

BALIKAN: Armadong lalaki, nanunog at nagpaputok sa Resorts World Manila; 38 patay, 78 sugatan

Translate

Hunyo 2, 2017 nang maganap ang trahediya ng pagpapaputok at panununog sa mga gaming table, slot machine ng isang armadong lalaki sa Resorts World Manila sa Pasay City, kung saan 38 ang namatay, kabilang ang gunman, at 78 sugatan. Balikan ang mga kaganapan noong gabing iyon.

Sa nakaraang episode ng “Philippine Controversies Revisited,” mapanonood ang mga CCTV footage ang pagbaba sa taxi ng isang lalaking nakaitim na jacket at may suot na backpack, saka pumasok sa main entrance ng nasabing hotel casino bandang 12 a.m.

Hindi siya dumaan sa metal detector kaya siya sinita ng guwardiya. Dito na siya naglabas ng dala niyang M4 Armalite Rifle.

Doon na siya walang habas na nagpakawala ng mga putok ng baril at nagkagulo ang mga tao.

Isa sa mga nagkaroon ng close encounter sa gunman si Rosco Fernandez na guest sa hotel casino.

“Merong guy who was wearing a bonnet, a Kevlar vest. We were about a few meters away from the gunman. He was discriminately firing upwards but he wasn't shooting anyone,” sabi ni Fernandez.

Matapos nito, pumasok sa casino ang gunman at sinunog ang mga lamesa at mga slot machine. Nagbunga ito ng napakakapal na usok sa buong palapag.

Sunod namang sinubukan ng gunman na pumasok sa kuwarto kung saan nakatago ang mga casino chips. Bigo siyang buksan ang pinto kaya nagbakasakali na lamang siya sa kabilang kuwarto, at dito siya nakapasok.

Nagkakahalaga ng P113 milyon ang kinuha niyang mga casino chips.

Dahil sa napakakapal na usok sa mga hallway, pahirapan ang paghahanap sa kaniya ng mga awtoridad.

Paakyat sa stairwell ang suspek pasado 1 a.m. at dito na sila nagpang-abot ng mga awtoridad at nagpalitan ng mga putok.

Nakatakas ang gunman at paika-ikang umakyat ng hagdan. Sa pagkakataong ito, nakunan na nang mas malinaw ang kaniyang mukha.

Pagkarating ng fifth floor, nagsunog ng mga kumot at carpet ang gunman kaya mas lalong kumapal ang usok sa malaking bahagi ng gusali.

Umugong ang espekulasyon na may kaugnayan ang gunman sa teroristang grupong ISIS. Ngunit pinabulaanan ito ni noo’y PNP chief Ronald "Bato" dela Rosa.

Nang tuluyang mapula ang sunog, doon na unti-unting umakyat ang bilang ng mga biktima.

Sentimyento ng mga kaanak

Nagsagawa ng memorial service ang pamunuan ng Resorts World para alalahanin at ipanalangin ang mga biktima.

Agad dinala sa dalawang punerarya sa Pasay City ang labi ng mga biktima.

Gayunman, tumagal ang paghihintay ng mga pamilya dahil kinailangan pang i-autopsy ang mga ito. Ilang araw naghintay ang ilan sa kanila pero hindi pa rin nare-release ang labi ng kanilang mahal sa buhay.

Gunman

Kinilala ang gunman na si Jessie Javier Carlos, 43-anyos at dating Tax Specialist II ng Department of Finance.

Sinampahan si Carlos ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) matapos matuklasang may mga hindi siya idineklarang ari-arian sa kaniyang SALN. Na-dismiss siya sa serbisyo noong 2014.

Makaraan ang ilang taon, binaligtad ng Supreme Court ang desisyong ito. Nawalan naman ng trabaho at nabaon sa utang si Carlos.

“He is heavily indebted due to being hooked in casino gambling according to his immediate family. He has a bank account with an outstanding debt of P4 million and several other nonbank related debts,” sabi ni noo’y NCRPO chief Police chief Oscar Albayalde.

Kalaunan ipina-ban si Carlos sa lahat ng mga casino sa bansa sa bisa ng tinatawag na exclusion order, na opisyal na utos sa dokumento na nagbabawal sa isang tao na pumasok o manatili sa isang lugar.

Kalaunan, nadiskubre ng mga awtoridad na nasangkot din si Carlos sa isang marahas na insidente bago ang kaniyang pag-atake sa Resorts World.

Gabi ng Hunyo 1, 2017 nang tumaob ang isang kotse sa Paco, Maynila. Sakay nito sina Carlos at dalawa pang indibiduwal na sina Elmer Mitra at Alvin Cruzin.

Batay sa imbestigasyon, nagtalo noon ang tatlo matapos singilin nina Mitra at Cruzin si Carlos ng utang nito. Pero ang kanilang pagtatalo, humantong sa karahasan nang barilin ni Carlos ang dalawa sa loob ng sasakyan.

Saka kasuwal na lumabas sa sasakyan at naglakad papalayo.

Sunod nang nakita si Carlos na pumasok sa Resorts World sa Pasay. Iika-ika noon ang gunman dahil sa tinamo niyang sugat matapos tumaob ang sinakyan niyang kotse.

Dahil sa mga ebidensyang nakalap ng pulisya at sa pagtatangka ni Carlos na nakawin ang mga casino chips, posibleng motibo niya sa krimen ang robbery, ayon sa mg awtoridad.

Desperado na umano si Carlos na mabayaran ang kaniyang mga utang at atraso kaya pinagdiskitahan na niya pati kasi casino chips na ayon sa mga awtoridad, hindi maaaring ibenta kapalit ng pera dahil sa casino lamang ito gumagana at puwedeng pakinabangan.

Suffocation

Samantala, natuklasang suffocation ang ikinamatay ng lahat ng mga biktima, maliban na lamang kay Carlos, dahil sa sobrang kapal ng usok sa loob ng gusali at kakulangan sa ventilation, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil highly combustible ang mga materyales sa loob ng casino. Dagdag ng ulat, gumana naman ang sprinkle system ng gusali lalo sa second floor kung saan natagpuan ang karamihan sa mga katawan ng biktima. Pero hindi nito naalis ang makapal at nakakalason na usok.

Pagdinig

Umabot hanggang Kongreso ang imbestigasyon tungkol sa nangyaring pag-atake sa hotel casino.

Batay sa PNP, kulang ang koordinasyon ng security ng Resorts World Manila sa kapulisan.

Sa mga sumunod na imbestigasyon, natuklasan ang mga pagkukulang sa seguridad at pagtugon sa emergency.

Suspendido ng PAGCOR ang provisional gaming license ng Resorts World Manila. Magmula noon, naghigpit ang PAGCOR sa requirements nila sa mga casino bago sila bigyan ng license to operate. —VBL GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.