VM Harold Respicio, kumasa sa drug test; negatibo ang resulta

Matapos sabihin ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na gusto niyang isailalim sa drug test si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio na nag-viral dahil sa mainit na pakikipagtalo sa ilang barangay official, kusa namang nagpa-drug test ang lokal na opisyal at hinamon din ang kalihim na sabay silang magpa-drug test.
Isinagawa ang drug test kay Respicio nitong Miyerkoles sa St. Luke’s Medical Center - Quezon City, at "negative" ang lumabas na resulta.
Sa kopya ng drug test report, nakasaad na negative si Respicio sa mga sumusunod:
- methamphetamine
- tetrahydrocannabinol (THC)
- cocaine
- ecstasy
- benzodiazepines
- opiates
- propoxyphene
- tricyclic antidepressants
Nakasaad din sa resibo na ibinahagi ng lokal na opisyal na nagbayad siya ng P28,011 para sa drug-abuse screening.
“Jonvic, i-refund mo ko. Ang mahal ng drug test,” sabi ni Respicio.
Una rito, sinabi ni Remulla na dapat magpa-drug test ang bise alkalde matapos ang nangyaring sigawan na kinasangkutan nito sa Sangguniang Bayan session.
“Ipapa-drug test ko muna, parang wala sa sarili,” saad ni Remulla sa mga mamamahayagsa ambush interview nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa kalihim, si Isabela Governor Rodolfo Albano III ang namamahala sa sitwasyon sa lalawigan. Hinikayat niya ang gobernadora na ipa-drug test si Respicio.
“But [Governor Rodolfo Albano is] handling him. I advise him to give him a drug test kasi mukhang adik yung asal niya eh,” dagdag ni Remulla.
Kaugnay nito, hinamon ni Respicio si Remulla na sabay silang magpa-drug test sa ospital.
“Secretary Jonvic, magpa-drug test tayo now. Live! Exclusive! Samahan mo ko sa St. Luke’s, now! Today! Tingnan natin kung nagda-drugs si Atty. Harold Respicio,” saad ni Respicio sa isang social media video.
Wala pang pahayag si Remulla tungkol sa hamon ni Respicio. — Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.