The Daily Newsstand · Free, Always
Wednesday, October 21, 2026

Lalaki, sugatan nang saksakin ng kaibigan matapos silang magtalo tungkol umano sa utang

Translate

Dinala sa ospital ang isang lalaki dahil sa tinamong saksak mula sa kaniyang kaibigan sa San Carlos City, Pangasinan. Ang krimen, nagsimula umano sa pagtatalo nang malaman ng biktima na ikinukuwento ng suspek sa iba ang tungkol sa kaniyang utang.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na tumakas ang 46-anyos na suspek matapos na saksakin ang kaniyang 37-anyos na kaibigan.

Ngunit kinalaunan, sumuko rin sa barangay ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago mangyari ang pananaksak, nagkaroon muna ng pagtatalo ang magkaibigan nang malaman ng biktima na ikinukuwento ng suspek sa ibang tao ang tungkol sa kaniyang nautang sa huli.

Ayon sa pulisya, umaabot sa P90,000 ang matagal nang utang umano ng biktima sa suspek. Hindi na umano sinisingil ng suspek ang naturang utang dahil kaibigan naman niya ang biktima.

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang suspek.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang dalawa, ayon sa ulat. – FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.