2 sa 3 kawatan na nanloob sa 1 tindahan sa QC, nahuli; mga sigarilyo at induction cooker, kabilang sa tinangay

Timbog ang dalawa sa tatlong lalaki na naaktuhang nagnanakaw sa isang sari-sari store sa Barangay Payatas, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng may-ari ng tindahan na may narinig siyang kakaibang ingay mula sa kanilang tindahan, hanggang sa maaktuhan niya ang mga suspek.
“Nu’ng pagsilip nila ng ating mga biktima rito, nagulat sila na merong tatlong lalaki na nandoon mismo sa loob ng sari-sari store nila at mga hawak na nga po 'yung mga nanakawing items. Mabilis silang bumaba at isinarado 'yung itong pinaka main entrance nila para hindi makatakas itong mga nasabing magnanakaw,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Rowena Amata, Commander ng Payatas Bagong Silangan Police Station.
Nadakip ng pulisya ang dalawang suspek, na mga construction worker, habang nakatakas ang kanilang kasabwat na patuloy na hinahanap.
Nakuha ang ninakaw na sapatos, ilang kahang sigarilyo at mga instant glue mula sa mga suspek.
Hindi na nabawi ang mga ninakaw na pera, ilan pang kaha ng sigarilyo, relo at induction cooker na nagkakahalaga ng mahigit sa P54,000 sa kabuuan.
Umamin sa pagnanakaw ang dalawang suspek.
“Na-udyukan lang po kami ng kasama namin na pumasok din,” sabi ng 32-anyos na suspek.
“Na-udyukan lang din, sir. Na pumasok sila, napagkasunduan na sa labas lang ako… Hati-hati lang kami sa kung ano makuha nila, sir,” sabi ng 18-anyos na suspek.
Batay sa tala ng pulisya, dati nang nabilanggo ang 32-anyos na suspek dahil sa ilegal na droga at pagsusugal.
Sinampahan ang mga suspek ng reklamong theft, habang patuloy na hinahanap ang nakatakas nilang kasabwat.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.