Negosyante, nawalan ng halos P3-M halaga ng pera at alahas dahil sa kasambahay na ilang buwan pa lang namamasukan sa kaniya

Pinaghahanap ang isang kasambahay matapos niyang pagnakawan umano ang kaniyang among negosyante ng aabot sa P3 milyong halaga ng pera at alahas sa Cebu City. Ang kasambahay, ilang buwan pa lang namamasukan sa biktima na nakilala niya online.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nagpaalam ang babaeng kasambahay na lalabas lang para magpa-load pero hindi bumalik.
Natuklasan na lamang kalaunan ng amo na nawawala na ang kaniyang mahigit P1 milyon na pera, high-end na relong nagkakahalaga ng P1.4 milyon at iba pang alahas.
Ayon sa negosyante, nag-umpisang mamasukan sa kanila ang kasambahay noong Agosto, na nakilala niya online.
Natuklasang dati nang may kasong theft o pagnanakaw laban sa suspek makaraang i-post ng biktima sa social media ang nangyaring pagnanakaw.
Naiulat na ang krimen sa pulisya, at naglaan ng P100,000 na pabuya ang biktima sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.