79-anyos na bedridden na lola, nasawi sa nasunog na bahay sa Pasig

Isang 79-anyos na lolang nakaratay sa kama ang nasawi sa nasunog nilang bahay sa Barangay Buting, Pasig. Ang pumanaw na lola, magbi-birthday pa man sana sa susunod na buwan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita, nabulabog ang mga residente ng nagnangalit na apoy pasado 1 a.m. nitong Huwebes.
Isang bahay ang mabilis na tinupok ng apoy sa E. Mendoza Street. Nahagip pa sa video ang mga nagpuputukang linya ng kuryente.
Sinabi ni Jigs Servillon, kapitan ng Barangay Buting na kaanak ng nasunugang pamilya, ligtas na nailikas ang lima mula sa nasusunog na bahay.
Gayunman, na-trap ang senior citizen na biktima.
"Ang nasa loob ng bahay, 'yung tita ko, 'yung anak niya, asawa niya. Asawa ng anak niya, tsaka 'yung yaya na may kasamang bata. Nasa sala sila eh. Narinig silang sumabog sa may kuwarto ng tita ko. Pinipilit nilang mabuksan 'yung pinto. Nu'ng mabuksan, usok at saka apoy ang sumalubong sa kanila. Si tita kasi bedridden na. Nakakalungkot doon, hindi siya nakalabas," sabi ni Servillon.
Nagsasagawa ng retrieval operations ng mga awtoridad sa labi ng biktima.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, gawa sa concrete materials ang ancestral home na natupok ng apoy.
Hindi na kumalat ang sunog dahil sa firewall ng magkakadikit na bahay.
Tuluyang naapula ang apoy kaninang 3:10 a.m.
Patuloy na inaalam ang sanhi ng apoy, pati ang halaga ng pinsala. — Jamil Santos/ VDV GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.