DMW: 19 tripulanteng Pinoy na sakay ng barkong inatake sa Black Sea, nailigtas; 2 ang sugatan

Nasagip ang 19 Pilipinong tripulante matapos salakayin ng drone ang kanilang barko sa Black Sea, ayon sa Department of Migrant Workers. Ang dalawa sa kanila, sugatan.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing tumagilid ang LPG tanker na Gas Husky matapos atakihin malapit sa Bulgaria.
Sinabi ng DMW na tumalon sa dagat ang mga tripulante nito na iniligtas kalaunan ng Bulgarian Army.
Nananatili ngayon ang mga Pinoy sa isang hotel sa Bulgaria, at naipaalam na rin ang kanilang sitwasyon sa kanilang mga pamilya at inaasikaso na ang kanilang pag-uwi.
Hindi pa tukoy ang grupo na sumalakay sa barko.
Pinag-aaralan na ng DMW kung ilalagay sa high-risk and war-like zone classification ang southwestern Black Sea kung saan naganap ang pag-atake.
“Nadalaw na sila ng labor attache natin at meron na rin license manning agency nandu’n, ship owners representative. Nagsanib-pwersa para tumulong sa kanila?,” sabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.