Puwersa ng gobyerno at armadong grupo, nagkaputukan sa Maguindanao del Sur

Nagpalitan ng mga putok ng baril sa isang compound ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur nitong Lunes.
Iniulat ni GMA News' Jun Veneracion na nasa compound ng munisipyo, na nakapasok na sa lugar ang isang armored vehicle ng Special Action Force (SAF) habang nagpapatuloy ang putukan sa labas.
Ilan sa mga bala ay maririnig na tumatama sa mga bakal ng itinatayong gusali at sa mga puno sa loob ng compound.
Hindi pa nakukumpirma ng mga awtoridad kung aling armadong grupo ang responsable sa pamamaril.
Ayon sa mga residente, tinatayang mahigit dalawang oras nang nagpapatuloy ang putukan.
Sa kabila ng insidente, hindi naman tila naapektuhan ang pagboto sa isang kalapit na polling center para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Samantala, nagkaroon din ng kaguluhan sa labas ng isang polling center sa Sero Central Elementary School sa Cotabato City.
Ilang sasakyan ang pinagtulungang wasakin ng hindi pa nakikilalang mga lalaki sa labas ng naturang paaralan sa kalagitnaan ng makasaysayang halalan sa BARMM.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. —Joviland Rita/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.