The Daily Newsstand · Free, Always
Tuesday, September 15, 2026

Nag-viral na rider na 'di hinintuan ang nasaging kotse at isa pang rider, inisyuhan ng SCO ng LTO

Translate

Tukoy na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkakakilanlan, at nagpalabas ito ng Show Cause Order (SCO) laban sa isang rider na nag-viral kamakailan ang video sa social media matapos niyang takbuhan ang nasagi niyang isang kotse at isa pang rider na may angkas.

Sa inilabas na pahayag ng Assistant Secretary Markus Lacanilao nitong Martes, sinabing isasailalim sa 90-day suspension ang lisensya ng rider at nakaalarma ang kaniyang motorsiklo habang dinidinig ang kaniyang kaso.

Sa nahuli-cam na insidente na hindi binanggit sa pahayag kung saan naganap at kailan, makikitang dumaan ang rider sa masikip na pagitan ng isang kotse at isa pang motorsiklo na nasa kaniyang harapan.

Mabilis na pinihit ng rider ang manibela ng kaniyang motorsiklo para masingitan ang kotse. Pero tinamaan niya ang kotse na dahilan para mawalan ng kontrol at tinamaan niya ang isa pang rider na may angkas, at natumba.

Ngunit sa halip na huminto para tulungan ang natumbang rider at angkas, nagtuloy-tuloy lang sa pag-arangkada ang nakabanggang rider. Gayunman, may ibang sasakyan na malinaw na nakuhanan ang plaka ng kaniyang motorsiklo.

“Dahil sa mga natukoy paglabag, inaatasan ng LTO ang rehistradong may-ari at itinalagang rider ng motorsiklo na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Setyembre 22, 2026, upang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag kaugnay ng insidente,” ayon sa pahayag ng LTO.

Idinagdag nito na kailangang ipaliwanag ng rider kung bakit hindi siya dapat managot sa mga paglabag sa ilalim ng Republic Act No. 4136, kabilang ang Reckless Driving at Duty of the Driver in Case of Accident. Gayundin kung bakit hindi siya dapat ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan para sa pagsususpinde o bawiin ang kaniyang driver’s license

“Bilang isang lisensyadong motorista, dapat alam mo ang iyong responsibilidad sa kalsada. Kung pagkatapos ng isang insidente ay nagawa pang umalis nang hindi man lang huminto para alamin ang kalagayan ng mga taong nabangga niya, mapapatanong ka talaga kung paano niya nakuha ang kanyang lisensya," ayon kay Lacanilao.

“Hindi ito ang asal na inaasahan natin sa isang lisensyadong motorista. Sisiguraduhin natin na mananagot ang mga patuloy na lumalabag sa batas sa kalsada,” dagdag niya. – FRJ GMA News

View the original on GMA News

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.