7 OFWs, sugatan sa mga pag-atake sa Saudi Arabia; 3, kritikal ang kondisyon -- DFA

Pitong overseas Filipino worker (OFW) ang nasugatan sa mga pag-atake sa Saudi Arabia, at tatlo sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes.
Batay sa impormasyong mula sa Department of Migrant Workers (DMW), iniulat ng DFA ang mga nasugatan, habang nagpahayag ito ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi sa mga pag-atake.
“The Department of Foreign Affairs and the DMW are coordinating with Saudi authorities to provide necessary medical care and assistance, while reaffirming the Philippines’ solidarity with the Kingdom in protecting its nationals and residents, including nearly one million Filipinos,” saad ng DFA sa isang pahayag.
“These attacks are a grave threat to regional peace and stability. The Philippine Government calls on all parties to cease hostilities and to pursue a peaceful resolution through dialogue and diplomacy,” dagdag nito.
Naganap ang mga pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh noong Oktubre 10. Iniulat na hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at mahigit 300 ang nasugatan.
Hinimok din ng DFA ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na sundin ang mga abiso ng mga lokal na awtoridad at manatiling nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Riyadh at Philippine Consulate General sa Jeddah.
Nauna nang sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na 34 na OFW mula sa Saudi Arabia ang dumating sa Pilipinas nitong Lunes. Inaasahan namang may 65 pang OFW ang uuwi sa Martes, Oktubre 20, 2026.
Bago rin nito, pinayuhan ng dalawang Philippine diplomatic missions sa Saudi Arabia ang mga Pilipino sa bansa na magpatupad ng “mas mataas na antas ng pag-iingat” sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon na kinasasangkutan ng mga puwersang Houthi na kaalyado ng Iran.
Sa isang abisong inilabas noong Oktubre 9, hinimok ng Philippine Embassy sa Riyadh at Philippine Consulate General sa Jeddah ang mga Pilipino na manatiling mapagmatyag at nakaalerto upang matiyak ang kanilang kaligtasan.-- FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.