Kampo ni Sara Duterte: Pag-atras sa 3 impeachment articles, nangangahulugang walang batayan ang mga paratang

Inihayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkoles na isang pag-amin ang pagbawi ng prosekusyon sa tatlong impeachment article noong Martes na walang batayan mula pa sa umpisa ang mga paratang na ibinato laban sa pangalawang pangulo.
Inihayag ito ng kampo ni Duterte matapos magdesisyon ang prosekusyon — na tinanggap ng Senate impeachment court — na hindi na nila itutuloy ang Article I, III at IV, na nagdedetalye ng mga paratang ng maling paggamit ng confidential funds, panunuhol, at pagbabanta umano sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Dahil dito, isusulong na lamang ng prosekusyon ang Article II, na may kinalaman sa paratang tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
"The withdrawal is an admission that the allegations lacked basis from the very beginning," ayon sa pahayag ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte.
Gayunpaman, iginiit ni Panelo na isa ring “injustice and a denial of due process” ang hakbang ng prosekusyon dahil inaalisan umano nito ang pagkakataon ang bise presidente na harapin ang mga kaso at magharap ng counter-evidence sa Senate impeachment court.
"More than that, it deprived her of the vindication of the acquittal she deserves if the Court ruled only on the basis of evidence and law," dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Panelo katahimikan ang umano at “lack of outrage” ng senator-judges sa majority bloc, dahil mistulang nag-aksaya ng oras at pondo ang gobyerno sa prosekusyon sa paglalahad ng ebidensya na babawiin rin lang pala kalaunan.
Sinabi niya na lalampas sa P1 bilyon ang nagastos na pondo sa pagtalakay sa Article I at IV pa lamang.
“What is equally troubling, however, is the lack of outrage by the Senate majority. Hindi ba nasayang ang oras ninyo? Hindi ba kayo nanghihinayang na nagamit sana ang panahon para tugunan ang mga kritikal na pangangailangan ng bansa? Hindi ba kayo nagagalit na nagwaldas ang prosekusyon ng perang kasing laki o mas malaki pa sa confidential funds na linustay diumano ni VP Sara, na hanggang ngayon at kailanman ay hindi nila mapapatunayan?” tanong ni Panelo.
“Who is going to hold them accountable? A judge in a regular court would have at least given the prosecution a proper tongue lashing for wasting its time if this happened there,” pagpapatuloy niya.
Itinanong pa niya kung may kinalaman ang pananahimik ng ilan sa mga senator-judge sa nalalapit na pambansang halalan sa 2028.
“So why the quiet? Is it because the goal to disqualify the leading presidential candidate in 2028 justifies the means? Is it because the numbers for conviction are already locked in under the lower threshold? Is it because a longer trial risks shifting those numbers, making a faster resolution preferable? Is it because convicting the Vice President earlier may reduce the damage to Senator-Judges seeking elective posts in 2028?,” sabi pa ni Panelo.
“The silence is deafening. Huwag naman kayong masyadong halata,” dagdag niya.
Hiningan ng GMA News Online si Senate President Sherwin Gatchalian ng komento sa usapin at ia-update ang ulat na ito kapag nagbigay na siya ng kaniyang tugon.
Sinabi ni House prosecution lead prosecutor Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro nitong Martes sa impeachment court, na naniniwala silang sapat na ang ebidensyang iniharap nila para sa Article 2 upang alisin si Duterte sa puwesto dahil sa paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.