1, patay sa rambol ng 2 grupo ng kalalakihan dahil umano sa babae sa Bacolod City

Isang lalaki ang nasawi sa tama ng bala ng baril, at isa pa ang sugatan sa saksak ng basag na bote, matapos na magkagulo ang dalawang grupo ng kalalakihan dahil umano sa isang babae sa Bacolod City.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV Balitang Ratsada nitong Lunes, sinabing rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa kaguluhang nangyari sa labas ng isang bar noong Nobyembre 22.
Pero sa loob pa lang umano ng bar, nagsimula nang magkainitan ang dalawang grupo ng kalalakihan dahil umano sa isang babae, na humantong sa pamamaril at pananaksak ng basag na bote.
Patay sa tama ng bala sa dibdib ang 27-anyos na biktima, habang 19-anyos naman ang sugatan na nasaksak ng basag na bote.
“Sa side ng grupo ng na-gunshot wound, isang grupo sila. Ang babae nilang kasama, gusto ng kabilang grupo. Ang grupo naman ng namaril, ang namaril ay mula sa labas, hindi sa loob. May tumawag sa kaniya na rumesponde,” ayon kay Police Captain Ramie Sayson, hepe ng Bacolod City Police Station.
Malaking hamon umano ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga susek dahil hindi magkakakilala ang magkabilang grupo.
Hindi rin umano nakita ng sugatang biktima kung sino ang sumaksak sa kaniya ng basag na bote.
Hustisya naman ang panawagan ng ama ng nasawi at naniniwala siyang nadamay lang sa gulo ang kaniyang anak.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.