Resolusyon para ideklarang persona non grata ang Chinese envoy na si Jing Quan, inihain sa Senado

Inihain ni Senador Erwin Tulfo ang resolusyon na nananawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.
Nag-ugat ang paghahain ng resolusyon mula sa kontrobersiyal na pahayag ng embahador na madali umanong mananalo ang China kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas. Pero hindi raw nila ito gagawin dahil nais nila ng kapayapaan.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 739 na inihain nitong Lunes, sinabi ni Tulfo, vice chairperson ng Senate committee on foreign relations, na nagdulot ng “serious concerns over the propriety of diplomatic conduct and its implications for Philippine sovereignty and national security,” ang mga pahayag ni Jing.
Ayon pa sa senador, dapat nakabatay sa paggalang sa isa't isa, makabuluhang pakikipag-ugnayan, at mapayapang pag-uusap ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at China.
Hinimok niya ang DFA na irekomenda sa mga kinauukulang awtoridad na ideklarang persona non grata si Jing, dahil sa bigat ng kaniyang mga pahayag at sa posibleng epekto ng mga ito sa soberanya, pambansang dangal, at bilateral relations ng Pilipinas sa China.
Matatandaang sa isang social media post ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, makikita sa isang panayam si Jing na nagsabing, “If we want to use force, we may easily win. But no, we will not use force. You know, we love peace, and in this region, we enjoy the peace."
Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipapatawag niya ang Chinese ambassador kasunod ng mga pahayag nito. Ayon sa Punong Ehekutibo, “sounds very much like a threat,” ang sinabi ni Jing, at “not a very diplomatic statement to be made.”
Nitong Lunes, pormal namang ipinatawag ng DFA si Jing upang ipabatid ang “serious concern and strong objection” ng Pilipinas sa kaniyang mga naging pahayag.
Nauna nang naglabas ng pahayag ang Chinese Embassy at tinanong kung ang mga pahayag ng ilang mambabatas na nagdedeklarang persona non grata ang Chinese ambassador ay “threat or coercion.”
"But anyway, just do it. Otherwise, STOP BLUFFING," saad ng Chinese Embassy. — FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.