Rider, patay matapos mabangga ng SUV sa Pangasinan; driver, 'di hinintuan ang biktima

Nasawi ang 41-anyos na motorcycle rider matapos siyang mabangga ng isang puting Sport Utility Van (SUV) sa Mangaldan, Pangasinan. Ang driver na nakabangga, hindi tumigil.
Sa ulat ng GMA Regional TV North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Poblacion noong Biyernes ng madaling araw.
Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay. Tumakas naman ang nakabanggang driver.
Pero matapos ang insidente, natagpuan ang SUV sa Barangay Guilig, at makalipas ang ilang oras ay sumuko ang driver sa pulisya.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang driver na nakalabas din ng piitan matapos payagang magpiyansa.
Wala pang pahayag ang driver, habang sinisikap din na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.