DFA, sinabing kasama ang PH delegates sa mga nag-walkout laban sa speech ni Netanyahu sa UN

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo na kabilang ang delegado ng Pilipinas sa mga nag-walkout sa United Nations General Assembly habang umaakyat sa entablado si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu para magtalumpati noong Huwebes.
Ayon kay DFA spokesperson Analyn Ratonel, ang paglahok ng Pilipinas sa walkout ay pagpapakita ng pakikiisa sa panawagan para sa kapayapaan sa Middle East.
“The Philippines joined the walkout in global solidarity for peace in the Middle East and the call for all parties to desist from unilateral actions that erode the conditions for peace,” saad ni Ratonel sa isang social media update ni GMA News reporter Katrina Son.
Inihayag ng DFA na nananatiling labis na nababahala ang Pilipinas sa lumalalang humanitarian crisis sa Gaza, sa pagsisikap ng Israel na isulong ang E1 settlement plan, at sa patuloy na pagdami ng karahasan ng mga settler sa West Bank.
“The Philippines is deeply concerned about the humanitarian crisis in Gaza and notes with alarm Israel’s efforts to advance the E1 settlement plan, and the continued rise of settler violence in the West Bank,” ayon kay Ratonel.
“These actions are detrimental to finding a just, lasting and comprehensive solution to the Middle East conflict,” dagdag niya.
Ayon kay Ratonel, matagal nang sinusuportahan ng Pilipinas ang two-state solution bilang posibleng daan tungo sa kapayapaan sa rehiyon.
Sa sesyon ng General Assembly noong Huwebes, sunod-sunod na lumabas ng bulwagan ang dose-dosenang delegado nang umakyat sa entablado si Netanyahu para ipagtanggol ang mga hakbang na ginagawa ng Israel sa rehiyon.
Kalaunan, binatikos ni Netanyahu ang mga opisyal na nagsagawa ng protesta at tinawag silang “moral cowards.”
Ito na ang ikatlong sunod na taon na nagkaroon ng walkout sa talumpati ng Israeli leader. Umalis din ang mga delegado sa bulwagan habang naghahatid siya ng talumpati sa General Assembly noong 2024 at 2025.— FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.