Reklamong murder, inihain vs 6 katao kaugnay sa pagpatay sa working student na si Charles Usi sa Batangas

Sinampahan ng reklamong murder ang anim katao kaugnay sa pamamaril at pagpatay sa 22-anyos na working student sa San Jose, Batangas, ayon sa municipal police.
Ayon sa San Jose Municipal Police Station (MPS), apat sa mga inireklamo ang tukoy na ang pagkakakilanlan, at dalawa naman ang hindi pa nakikilala kaugnay sa sinapit ng biktimang si Charles Usi.
“The complaint was filed on October 29, 2026, before the Office of the Batangas Provincial Prosecutor at Bulwagang Katarungan, Batangas City, under Docket No. IV-02-PE-26J-00281 for violation of Article 248 of the Revised Penal Code, as amended,” ayon sa pulisya.
Kinilala ng San Jose MPS ang apat na respondent sa pamamagitan ng kanilang mga alyas na "Xam," "Ento," "Non," at "Dali."
Gayunman, pinaghahanap pa umano ang lahat ng anim na respondent, ayon sa San Jose MPS.
Una rito, inihayag ng Philippine National Police (PNP) na isang kilalang personalidad at lima pang indibidwal ang iniuugnay sa pagkamatay ni Usi.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na love triangle ang motibo sa likod ng krimen.
Binaril at napatay ang biktima habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa national highway sa Barangay Banay-banay II noong Oktubre 25.
Sa kuha ng video, makikitang binabaybay ng biktima ang highway nang biglangsabayan siya ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay din ng motorsiklo at pinagbabaril siya.
Noong una, inakala ng mga pulis na nasangkot sa isang aksidente ang biktima. Gayunman, nang suriin ang biktima, nadiskubreng nagtamo siya ng mga tama ng bala sa likod na tumagos hanggang sa kaniyang dibdib.
Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklarang patay na.
Narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril.
Ayon sa mga awtoridad, pauwi na ang biktima mula sa restaurant kung saan siya nagtatrabaho bilang musikero nang mangyari ang pamamaril. — FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.