Maselang bahagi ng katawan ng isang batang lalaki, naputol matapos umanong kagatin ng tuta

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 10-anyos na lalaki, na nadatnang duguan at putol na ang maselang bahagi ng katawan sa kanilang bahay sa Agusan del Sur. Ang itinuturong salarin, isang tuta na sumakmal umano sa bata. Pero ang kaniyang mga magulang, iba ang hinala. Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala sina “Lina” at asawa niyang minero na si “Romy,” mga hindi nila tunay na pangalan.
Madalas naka-duty sa minahan si Romy kaya si Lina ang naiiwan sa pito nilang mga anak.
Hapon ng Nobyembre 9 nang asikasuhin ni Lina ang batang biktima na si “Nonoy,” hindi rin nito tunay na pangalan, matapos itong maihi sa salawal.
Ayon kay Lina, pinalitan niya ng damit ang anak, ngunit nalimutan niya itong suotan ng shorts. Bago umalis, ibilin niya si Nonoy sa nakatatanda nitong kapatid na si “Lingling,” na naglalaro sa labas ng kanilang bahay.
Pero nang makauwi siya, nadatnan ni Lina na duguan na ang anak na si Nonoy.
“Tumirik ang kaniyang mga mata. Naawa talaga ako sa anak ko. Grabe ang iyak ko,” sabi ni Lina.
Nakita naman umano ni Susan, kapitbahay ni Lina, na puno ng dugo ang bibig ng isang tuta. Kaya hinala ng mga kapitbahay, ang tuta ang nasa likod ng kagimbal-gimbal na pangyayari sa biktima.
Pansamantalang ikinulong muna ang tuta na sumakmal ‘di umano kay Nonoy para maobserbahan. Alaga ito ng isa pang kapatid ni Nonoy na si “Desa.” Ang tuta ay anak naman ng aso ng kanilang kapitbahay.
Nag-abot ng P5,000 tulong ang kanilang kapitbahay na pinagmulan ng tuta para sa pagpapagamot kay Nonoy.
Samantala, hindi na makita ng mga kapitbahay ang naputol na ari ng bata. Tingin nila, kinain na ito ng tuta.
Gayunman, may duda sina Romy at Lina kung tuta ba talaga ang may gawa nito sa kanilang anak.
“Hindi naman nila nakita na aso nga ang kumain. Duda pa rin ako na hindi aso ang kumain sa kaniyang ari. Baka tao [ang may gawa],” sabi ni Romy.
“Bale natapyas talaga ma’am. Kung aso, may naiwan, butas-butas siya. Hindi ko nilabhan itong damit na may dugo. Ipahuhula ko sa manghuhula para malaman kung aso ba o tao ang gumawa,” sabi ni Lina.
Mayroong kapansanan si Nonoy na hindi nakalalakad at hindi nakapagsasalita kaya hindi nito maikukuwento kung ano talaga ang nangyari sa kaniya.
Nakipag-ugnayan na ang KMJS sa ospital kung saan ginamot si Nonoy pero tumanggi sila sa panayam. Ini-report na nila ang insidente sa DSWD at sa pulisya, na nangakong magsasagawa ng imbestigasyon.
Samantala, lumalabas na normal at walang naobserbahang sintomas ng rabies ang tuta na pinaniniwalaang sumakmal kay Nonoy matapos na ipatungin sa beterinaryo.
Tunghayan sa KMJS ang kalagayan ni Nonoy matapos siyang ma-discharge sa ospital. At posible pa kayang mapalitan ang naputol niyang ari? Alamin. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.