Ex-Pres. Rodrigo Duterte, mananatiling nakadetine sa ICC, ayon sa pasya ng trial chamber

Nagkakaisa sa desisyon ang mga hukom ng Trial Chamber III ng International Criminal Court (ICC) na panatilihing nakadetine si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa desisyong inilabas ilang sandali matapos ang ikatlong status conference, sinabi ng Chamber na may posibilidad na si Duterte na, “absconding and/or obstructing or endangering the investigation or the court proceedings.”
“In respect of the latter considerations, owing to the Prosecution’s submission of the Witness and Evidence Lists, (thereby disclosing the identities of the witnesses and the contents of their expected testimony), this increases the Accused’s ability to interfere with witnesses, either directly or through his family or supporters in the Philippines,” nakasaad sa desisyon.
Samantala, hindi pa napagpasyahan ng mga hukom ang usapin tungkol sa kalusugan ni Duterte kung kakayanin niyang humarap sa paglilitis. Ito ay matapos na humiling ang panig ng depensa ng “greater medical certainty,” habang kinukuwestiyon ang ulat ng mga sumuring grupo ng eksperto.
Gayunman, sinabi ng Chamber na ang mga obserbasyon ng mga abogado ni Duterte ay hindi nagbibigay ng, “any information that constitutes new facts or a change in circumstances” na maaaring maging dahilan upang baguhin ang kaniyang pagkakadetine.
Hiniling naman ng Office of the Prosecutor ng ICC sa Trial Chamber III na ipagpatuloy ang pagdetine kay Duterte, at sinabing kinakailangan ito upang hindi nito mapanghimasukan ang mga testigo.
Sinabi ni Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang na walang pagbabago sa kalagayan ni Duterte na magiging dahilan upang baguhin ng Trial Chamber III ang nauna nitong utos tungkol sa pagdetine sa dating pangulo.
Sa pagdinig nitong Miyerkoles, muling nakita ng publiko si Duterte sa unang pagkakataon mula nang madetine siya sa ICC noong 2025, matapos siyang dumalo sa status conference kaugnay ng kaniyang kaso na crimes against humanity.
“This is the first time that Mr. Duterte has been in this court. As far as the trial chamber is concerned, if he wishes to leave for any reason, he may do so,” saad ni Presiding Judge Joanna Korner.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis laban kay Duterte sa darating na November 30.
Nahaharap siya sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga nangyaring patayan sa kaniyang war on drugs campaign noong nakaupo siyang pangulo ng bansa, at bilang alkalde ng Davao City.
Inaresto si Duterte noong Marso 2025 sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport at kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Centre sa Scheveningen sa The Hague, Netherlands. — Andy Peñafuerte III/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.