Pangarap na maging guro ng isang misis, natupad dahil sa suporta ng mister niyang tricycle driver

Ipinagmamalaki ng isang mister na nagbunga ang sakripisyo niyang kumayod nang husto bilang tricycle driver upang matustusan ang gastusin sa pag-aaral ng kaniyang maybahay na pangarap na maging guro. Hindi lang kasi nakamit ng kaniyang misis ang pangarap, dahil may doctorate degree o PhD na rin ito ngayon.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ibinalitang doctorate holder na ngayon ang gurong si Haycel Cantor Vargas, asawa ni JR Vargas.
Bukod dito, inimbitahan pa si Haycel na maging panelist sa isang international conference sa Mountain Province. Ang isa niya namang naisulat na research, nanalong third best paper sa isang international research conference.
Si JR, natupad naman ang pangarap na makasakay ng eroplano nang isama siya ni Hazel sa conference.
“Masaya sir. Proud ako sir kasi nakapagtapos na siya sir,” sabi ni JR.
Emosyonal si Haycel sa walang sawang suporta na ibinibigay sa kaniya ng kaniyang asawa.
Aminado siya na gusto na sana niyang isuko noon ang kaniyang pangarap pero ang kaniyang mister ang nagtalak sa kaniya na patuloy itong abutin na magkatuwang sila.
“Sinuportahan ako sa lahat ng pangarap ko, kahit na parang ang laki-laki, napaka-imposible ng mga pangarap ko, laging lagi niya lang sinasabi sa akin, ‘Hindi, kaya mo ‘yan, naniniwala ako sa iyo. Makakapagtapos ka, matatapos mo lahat ‘yan. Kasi wala ka namang hindi natapos eh.’ Kaya 'yun 'yung laging mga word niya sa akin at sobrang na-appreciate ko siya doon. Kaya kung pagmamahal lang eh, sukat at subok na,” sabi ni Haycel tungkol sa mister.
Balikan ang pagsisimula ng pag-iibigan nina Haycel at JR, at kapulutan ng inspirasyon ng mga nagmamahalan upang suportahan ang pangarap ng isa’t isa. Panoorin ang video. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.