Gitgitan umano ng 2 rider sa kalsada, nauwi sa sakitan sa Aklan

Nauwi sa panununtok ang gitgitan umano sa kalsada ng dalawang motorcycle rider sa Barangay Laguinbanwa West, Numancia, Aklan. Ang insidente, nahuli-cam.
Sa ulat ng GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Lunes, ipinakita ang CCTV footage na tumigil ang dalawang motorsiklo sa gilid ng daan noong Sabado noong umaga.
Bumaba kaagad sa kaniyang motorsiklo ang isang rider at nilapitan ang biktimang rider na nakasakay pa sa motorsiklo at kaagad na pinagsusuntok sa mukha.
Natumba sa kalsada ang biktima na napag-alamang residente sa nasabing barangay.
Nang tila itatayo ng biktima ang kaniyang motorsiklo, muli siyang sinugod ng suspek na rider at muling pinagsusuntok.
Hindi na nakalaban ang biktima at nagtamo ng mga sugat sa mukha at katawan.
Umalis naman ang suspek pero nagtungo ito sa himpilan ng pulisya nitong Lunes para ipa-blotter ng bersiyon niya ng pangyayari habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Hinikayat ng pulisya ang biktima na magsampa ng kaukulang reklamo laban sa suspek. Ibabatay naman sa resulta ng medical examination ang isasampang reklamo.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.