Pananakit umano ng pulis sa kaniyang live-in partner, nahuli-cam

Nahaharap sa reklamo ang isang pulis sa Pasay dahil sa paulit-ulit na pananakit umano nito sa kaniyang live-in partner.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang CCTV footage na kuha sa loob ng isang bahay sa Pasay sa ginawang pananakit sa biktima ng suspek na nakasuot pa ng unipormeng pulis noong Disyembre 2025.
Sa isa pang kuha noong Abril 2024, dalawang beses tinadyakan ng lalaki ang babae hanggang matumba siya sa may pintuan.
Noon ding 2024, nakunan ang pananakit ng lalaki habang nakasakay ang babae sa naka-park na motorsiklo.
Noon namang Setyembre 2023, muling mapanonood ang lalaki na sinasaktan ang babae na karga noon ang kanilang anak, hanggang sa mapahiga ang biktima sa kama.
Pinost ng babaeng biktima sa kaniyang social media ang mga video dahil hindi na niya matiis ang pananakit ng live-in partner.
“Pinost ko po kasi po 'yung mga pambubugbog niya po sa akin, paulit-ulit na po niyang ginagawa lalo na po kapag lasing po siya, kahit po nasa harapan ng bata. Kaya po pinost ko na po kasi hindi na rin naman po na siya nagbago,” sabi ng biktima.
“Ganu’n pa rin po, mas lumala lang po, lalo na po 'yung mga pananalita niya na masasakit sa akin,” dagdag niya.
Ayon sa babae, 2022 nang mag-umpisa ang pang-aabuso sa kaniya ng live-in partner niyang pulis matapos siyang manganak.
Nagpa-blotter ang babae noong taong iyon at muling nagpa-blotter noong 2023 at 2025.
Ngunit documentation pa lamang ito noong mga panahon iyon at hindi umusad sa kaso.
Tiniis niya ang pananakit dahil ayon sa kaniya, ninais niyang makumpleto silang mag-anak. Gayunman, may hangganan ang kaniyang pasensiya.
“Siyempre po nanay ako... Ano bang hindi kayang tiisin ng isang nanay na ilang beses na nag-try magkaroon ng buong pamilya. Nung huli na, binalewala niya na, which is 'yun na 'yung hindi ko na kinaya. Natatanong ko na rin 'yung sarili ko, paano ko na kaya lahat ng ‘to? ‘Ikaw 'yung pinakawalang kuwentang tao,’ ganiyan lagi sasabihin sa'yo,” sabi ng biktima.
Nagreklamo na ang biktima sa Pasay City Police Station at naghain ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Humingi na rin sila ng protection order sa barangay.
Sinikap ng GMA News na makuha ang panig ng hepe ng Pasay City Police Station, pati ang tagapagsalita ng Southern Police District tungkol sa inireklamong pulis Pasay na hindi pa tiyak ang kinaroroonan sa kasalukuyan, pero wala pa silang pahayag.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.