Lalaking nagnakaw ng trike bike, pinalaya; biktima hindi nagsampa ng reklamo
Inaresto ang isang lalaking nagnakaw umano ng trike bike sa Barangay Dela Paz, Pasig City. Ang suspek, pinakawalan kalaunan nang hindi na nagsampa ng reklamo ang biktima matapos mabawi ang kaniyang bike.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang lalaking nakasuot ng dilaw na damit na naglalakad sa kalsada, Linggo ng tanghali.
Ilang saglit pa, pumasok siya sa isang bahay at nang lumabas, tangay na niya ang isang trike bike.
Huling nakita ang lalaki gamit ang trike bike o three-wheeled na bike sa Barangay Santolan.
“Papasok pa lang siya rito sa barangay namin, nakita na may pinasok siyang isang bahay tapos kinuha niya ‘yung bike, then pumunta rito 'yung complainant. Nu’ng nagpa-review lang siya nalaman namin na ninakaw niya 'yung bike kaya pinapuntahan ko kaagad sa ano sa kabilang barangay namin at nakuha naman 'yung bike at 'yung suspect din,” sabi ni Kagawad Jay Santiago ng Barangay Dela Paz.
Nabawi ang trike bike na may halagang P7,500 na ibinenta umano ng suspek sa halagang P1,500.
Sinabi ng barangay na may record na ang 23-anyos na suspek ng pagnanakaw.
Gayunman, hindi na nagsampa ng reklamo ang biktima matapos mabawi ang bike kaya pinakawalan din ang suspek, ayon sa barangay.
“Kasi ang katuwiran nila, kunwari ninakawan ng cellphone, narekober naman so ayaw na nila ng abala. Pero mali eh kasi kung ganu’n lang din paulit-ulit lang din na mangyayari yon,” sabi ni Dietmar “Akaw” Romualdez, chairman ng Barangay Dela Paz, Pasig City.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang biktima at ang suspek. —Jamil Santos/AOL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.
