The Daily Newsstand · Free, Always
Saturday, November 14, 2026

NCRPO, 'all set' na para sa 49th ASEAN Summit, sinabing walang bantang nasubaybayan

Translate

Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Sabado na nakahanda na ang lahat para sa nalalapit na ika-49 na ASEAN Summit and Related Summits na gaganapin sa Maynila.

"All-set na ang NCRPO para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits," sabi ni NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.

"Nakalatag na ang ating security arrangements at kasalukuyan din nating ipinatutupad ang mga kinakailangang security measures para sa kaligtasan ng mga delegado at ating mga kababayan," sabi pa ni Asilo.

Mahigit 20,000 pulis ang ipinakalat ng NCRPO. Magde-deploy din ng mga kapulisan mula sa Regions 3, 1, at 4A para sa karagdagang tauhan.

"Mahigit 20,000 'yung ating police personnel para sa ating ASEAN deployment. Sa 20,000 po na ito, NCRPO lang po 'yan. Mayroon tayong mga nasa mahigit 4,000 na augmented mula sa iba't ibang regions. Merong galing sa Region 3, Region 1, maging sa (Region) 4A," sabi ni Asilo.

Kaugnay naman sa mga lider ng estado na may sariling seguridad, sinabi ni Asilo na makikipag-ugnayan sa kanila ang Police Security and Protection Group (PSPG) ng Philippine National Police (PNP).

"Pagdating du'n sa mga close-in security or mga VIP security na nakatutok sa ating mga delegate, nakatutok ang ating PSPG at sila ang in-coordination kung meron man silang dalang sariling security," sabi niya.

Sinabi rin ni Asilo na sinusuri ng K9 at ng PNP Explosive and Ordnance Disposal (EOD) units ang International Media Center at iba pang mga gusali.

"Kasama sa ating ginawang pagse-secure sa buildings na gagamitin sa ating ASEAN Summit ay ang ating mga K9, may mga EOD na from time to time nagko-conduct ng security sweep, inspection, paneling, para ma-ensure na ligtas ang mga delegates na darating," sabi niya.

Walang mga banta

Samantala, walang mga banta na nasubaybayan ang kapulisan tungkol sa ASEAN Summit, ayon kay Asilo.

"Wala naman tayong namo-monitor, validated threats patungkol sa ating ASEAN Summit, pero patuloy ang ating ginagawang intel monitoring at pag-aassess ng mga information na nakukuha natin," sabi niya.

Mga rally

Sinabi ni Asilo na ipadadala rin ang puwersa ng kapulisan sa mga tinukoy na rallying sites.

"Meron tayong mga identified na rally sites na dati na nating binabantayan even before ASEAN preparations," sabi niya, na idinagdag na ipadadala pa ang ibang kapulisan mula sa ibang rehiyon sa mga rally site.

"Kasama sa ating binigyan ng deployment itong mga identified rally sites. Dito rin tayo naglagay ng augmented personnel mula sa iba't ibang regions para ma-ensure na hindi lamang yung ating mga venues, mga billeting areas, mga ruta ang binabantayan natin. Mga lugar na posibleng magkaroon na pagtitipon, meron tayong mga naka-deploy na CDM (civil disturbance management) contingents," sabi niya.

Sinabi rin ni Asilo na hindi papayagang lumapit ang mga raliyista sa mga lugar na pagdadausan ng ASEAN Summit.

Sa halip, kakausapin ng mga ground commander ang mga raliyista at hihilingin sa kanila na maghanap ng ibang lugar kung saan nila maaaring isagawa ang kanilang mga protesta nang mapayapa.

"Pagdating sa kanilang pagpipilit na makapasok sa security restricted zones, magkakaroon ng pakikipag-usap sa kanila. Sa ngayon, hindi natin sila i-a-allow [mga magpoprotesta]. Ayaw naman natin na masira ang napakahabang preparasyon natin para sa hindi maayos na pagtitipon," ani Asilo.

"Malayo pa lang (sila) kakausapin na sila ng ground commanders para mabigyan (sila) ng pagkakataon na makahanap ng ibang lugar na hindi maaantala o maaabala 'yung ongoing na summit," dagdag niya.

Ipapatupad ng pulisya ang maximum tolerance, ani Asilo.

"Kasama sa mga deployed natin 'yung mga CDM contingent na haharap sa kanila (mga raliyista) with maximum tolerance. Hindi natin hahayaang maging magulo ang kanilang pagtitipon at yung pagpigil sa kanila," sabi niya.

Signal jamming

Wala pang abiso tungkol sa signal jamming sa summit, ani Asilo.

"Sa ngayon, wala pa tayong abiso kung magkakaroon ng signal jamming sa mga areas na magkakaroon ng mga meetings aligned with the summit," sabi niya.

Samantala, nauna nang inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Makati ang pagbabawal sa operasyon ng drone sa buong lungsod sa buong Nobyembre bilang bahagi ng mga hakbang pangseguridad para sa pagho-host ng Pilipinas sa ika-49 na ASEAN Summit.

Sinabi rin ng Philippine Navy noong Biyernes na ipadadala nito ang karamihan sa mga barko nito sa ilalim ng Naval Defense Command (NDC) para matiyak ang seguridad sa karagatan sa darating na ASEAN Summit.

Nauna nang idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa National Capital Region kaugnay ng pagho-host ng bansa sa ASEAN at mga kaugnay na summit. —VBL GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.