Pinoy na school principal na ngayon sa Arizona, USA, dating guro sa Antique

Dalawang dekadang nagturo sa lalawigan ng Antique ang isang Pinoy na guro na dahil sa pagsisikap nang mag-abroad, ngayon ay isa nang principal sa isang paaralan sa Arizona sa Amerika.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GTV News State of the Nation, ipinakilala si Rafael Puod, o mas kilala bilang si Sir Raffy.
Matagal na naging guro si Puod sa Antique, at nagpasyang mangibang-bansa nang bumukas ang oportunidad para sa kaniya na magtrabaho sa abroad.
Taong 2020 nang magturo si Puod sa Alaska at New Mexico. Kalaunan, nakarating din siya sa Arizona.
Pumasa si Puod sa pagsusulit para maging principal, hanggang sa ganap na siyang maging punong guro sa Piñon Middle School sa Arizona.
Para sa guro , hindi lang ito tungkol sa pag-abot ng pangarap sa ibang bansa kundi pagbibigay ng mas magandang buhay sa pamilya.
“Gaya ng karamihan ng teachers, ang cycle ng loan, iyan ang bumubuhay sa amin noong nasa Pinas pa ako. Tapos dito sa US, kahit paano, maka-save ka kahit kaunti, maka-invest ka sa Pinas. Dito mabibili mo ang gusto mo, hindi kailangan na mag-struggle,” sabi ni Puod.
Sa kaniyang patuloy na pag-angat sa buhay, walang sawang sumususuporta at nagdarasal para sa kaniya ang kaniyang ina.
"Ang laki talaga ng aking pasalamat sa Maykapal na hindi Niya [siya] pinapabayaan. I love you anak," mensahe ng ina ni Puod sa kaniya.
Hindi rin nakalimutan ng kaniyang mga dating kasamahan ang sipag at dedikasyon ni Sir Raffy.
"Ang saya-saya ko, and super proud sa iyo sa mga naabot mo sa buhay mo. Deserve mo ang mga blessing," mensahe ng kaniyang kasamahang guro. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.