Babae na dating na-stroke, nasalpok ng motorsiklo sa Caloocan; rider, hinahanap

Natumba sa kalsada at nasugatan ang isang 56-anyos na babae matapos siyang masalpok ng motorsiklo sa Caloocan. Ang biktima, hindi kaagad nakabangon dahil bahagyang baldado ang kalahati ng kaniyang katawan dahil sa stroke.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera sa Barangay 176-B, ang pagkanan ng isang motorcycle rider nang mahagip niya ang isang babaeng tumatawid sa Langit Road dakong 8:00 a.m. nitong Lunes.
“Pagbaba ako, tumingin naman ako, kaliwa kanan, wala naman sa sasakyan, tumawid ako. Bigla na lang, nagulat na lang ako, binangga na ako, natumba po ako,” sabi ng biktimang si Josephine Desio.
Tumigil noong una ang rider na nakabangga sa biktima at tinulungang makabangon ang babae at makaalis sa kalsada.
“Bumaba siya ng motor. Tapos sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ang bumangga sa akin. Wala ako sa iyong kasalanan,” sabi ni Desio.
Naglakad papasok si Desio sa eskinita para sana tumawag ng tulong pero agad nang umalis ang rider.
Kuwento ng biktima, papunta sana siya sa lamay ng kaniyang bayaw nang mabangga ng motor. Nagtamo siya ng mga sugat sa tuhod kaya dinala siya sa ospital.
“Second stroke na po kasi siya. Sumakit po 'yung tuhod niya at masakit daw po 'yung kabilang kabilang side ng binti niya tapos tumaas din po kasi 'yung BP niya,” sabi ni Jenielyn Desio, anak ng biktima.
Sinabi ng barangay na isang traffic enforcer ang nakakuha plaka ng motorsiklo. Nagsagawa rin sila ng backtracking sa mga CCTV.
“Pagkatapos po namin mabigyan ng action 'yung complainant, 'yung pangyayari, agad din naman po namin itong ipinaalam sa Traffic Bureau. Nag-review po agad ng CCTV footage po para po mabigyan ng pagkakilanlan o kung makukuha man 'yung plate number,” sabi ni Kris Angeli Gallano, desk officer ng Brgy. 176-B, Caloocan.
Desididong magsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa rider.
“Magpakita lang kahit humingi man lang po siya ng sorry sa mama ko,” sabi ni Jenielyn.
“Sana po makatulong tayo na mabigyan ng pagkakilanlan 'yung nakasagasa. Makipag-coordinate lang po sa aming barangay at sa traffic bureau na rin po na siya po may hawak ng kaso,” sabi ni Gallano. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.