Lalaking nakauniporme ng motorcycle taxi rider, suspek sa 2 insidente ng cellphone snatching sa Antipolo City

Nawalan ng cellphone ang isang babaeng gumagawa ng online content matapos itong hablutin ng isang lalaking nagpanggap na motorcycle taxi rider sa Barangay Mambugan, Antipolo City. Ang biktima, tumawid ng kalsada nang makitang may paparating na mga pulis para magpasaklolo.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagbi-video para sa content sina Ish Lee, Aira at Jayson Malicay sa labas ng isang mall na kanilang pinagtatrabahuhan sa Sumulong Highway madaling araw ng Miyerkules.
Pauwi na at nag-aabang ang magkakaibigan ng masasakyang e-trike, nang mahagip sa video ang
isang rider na naka-uniporme ng isang TNVS na dumaan sa harap ng magkakaibigan.
Nakasakay siya sa puting motorsiklo at nakasuot ng puting helmet habang nakatingin sa grupo ng biktima na pasakay na sa e-trike.
Pagsakay ng magkakaibigan, doon na hinablot ng rider ang cellphone ni Aira.
Kaagad na bumaba ng e-trike ang grupo nang sakto namang may dumaang police mobile na halos harangin ng biktima para makahingi ng tulong.
Gayunman, hindi na nahabol ang salarin na patuloy na hinahanap.
“Content po sa pang-araw-araw na struggle ng mga commuters. Sa pangatlong pagsakay ng isang tropa, bigla na pong hinugot ng isang rider 'yung cellphone niya. Hindi po namin napansin kasi kumportable kami sa mga taong nasa paligid namin dahil naka-uniforme sila bilang rider,” sabi ni Ishi.
“Actually 'yung rider po na ‘yun, triny (try) niya pa po ang kausapin. Parang feeling ko po ina-entertain niya ako siguro para makuha rin 'yung cellphone na gamit-gamit ko po that time. Tapos nu'ng di po kami nagkarinigan since maingay po dito sa labas, parang doon na siya lumabas, tapos doon na siya umikot para balikan 'yung cellphone ng kaibigan ko po,” sabi ni Jayson.
“‘Yung na-snatch po na phone ko, nasa kaliwang kamay ko, kasama 'yung isa pang action camera na hawak ko. Naramdaman ko po kasing biglang lumuwag 'yung kamay ko, tapos paglingon ko, ‘Yung phone! 'Yung phone! Napatili na lang ako,” sabi ni Aira.
Ini-report na rin ng magkakaibigan sa barangay ang insidente.
“May mga dating pangyayari na naiugnay ko regarding sa kaniyang pag-uulat na parang same na style o kaya ay tinatawag na modus ng nagkukunwari na mga TNVS driver,” sabi ni Anthony Bourbon ng Barangay Mambugan.
Nitong Nobyembre 2 sa Barangay Mambugan pa rin, ilang ulit na dumaan ang isang rider sa harap ng isang sasakyan habang nagpa-park.
Nagga-guide ang isang babae sa kaibigan niyang nagmamaneho nang biglang tangayin din ang kaniyang cellphone.
Ang nanghablot, parehong rider umano na nambiktima sa insidente nitong Martes na nakasakay sa puting motorsiklo at suot ang puting helmet.
Patuloy ang imbestigasyon ng Antipolo Police sa insidente at paghahanap sa suspek. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.