The Daily Newsstand · Free, Always
Monday, October 19, 2026

Bahagi ng isang bahay sa QC, nasunog

Translate

Sunog ang gumising sa mga residente sa isang subdivision sa Barangay Damar sa Quezon City pasado ala una ng madaling araw.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa 30 truck ng bumbero ang rumesponde sa lugar.

Makapal na raw ang usok nang dumating ang mga bumbero kaya kinailangan nilang gumamit ng breathing apparatus.

"Mausok lang talaga sa loob, kaya pumasok kami, nagve ventilate kami, binubuksan namin yung mga bintana at sinigurado namin na wala ng tao sa loob," ayon kay Fire Inspector Joel C. del Mundo.

"Limited yung access natin sa bahay tsaka yung may mga parking na nasa harap namin, nadaanan namin, medyo, hindi naman siya masyadong parang napa trouble kami pero okay lang naman na nakapasok kami," dagdag niya.

Isang aso naman ang nailigtas nga mga bumbero mula sa Maid's Quarter ng bahay.

Batay sa impormasyon ng BFP, agad din naman naapula ang sunog ilang minuto bago mag alas dos ng madaling araw.

Wala naman napaulat na nasaktan o namatay sa sunog.

Sabi ng BFP, partikular na nasunog ang bahagi ng garahe ng bahay pero isa lang sa apat na sasakyan ang nasunog habang ang ilan nainitan lang o posibleng naapektuhan ang mga electrical wiring.

Bagamat naapula na ang sunog, mausok pa rin daw kaya hindi muna patutulugin sa ngayon ang mga nakatira rito.

Sinubukan ng GMA News na hingan ng pahayag ang mga nakatira sa bahay pero tumanggi na silang humarap sa camera.

PAtuloy ang imbestigasyon ng BFP kung magkano ang halaga ng napinsalang ari-arian at kung ano ang pinagmulan ng apoy. — BAP GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.