Plano umanong mass shooting ng ilang estudyante sa Batac, Ilocos Norte, napigilan ng NBI; usapan sa group chat, natiktikan ng FBI

Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na napigilan nila sa tulong ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang planong mass shooting na gagawin ng ilang menor de edad na estudyante sa isang paaralan sa Batac, Ilocos Norte.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB nitong Martes, inihayag umano ni NBI Director Atty. Melvin Matibag, na tatlong kabataan na pawang 16-anyos ang hawak nila ngayon.
Isa umano sa tatlo ang umamin sa plano nilang pamamaril na ihahalintulad sa nangyaring Columbine High School mass shooting sa Colorado, United States noong 1999 na ikinasawi ng nasa 12 estudyante.
Batay umano sa impormasyon na ibinigay ng umaming menor de edad, balak nilang isagawa ang pamamaril sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa Disyembre.
Mahigit limang estudyante umano ang kanilang target.
Inihayag din ng isang menor de edad na biktima siya ng bullying mula pa noong Grade 7.
Sinabi ni Matibag na ginawa ng mga kabataan ang plano sa pamamagitan ng chat group na namonitor ng FBI, at ipinasa ang impormasyon sa NBI.
Mayroon ding baril na narekober sa isang menor de edad at inaalam na kung saan galing ang naturang baril.
BABALA: SENSITIBONG BALITA National Bureau of Investigation, napigilan ang planong mass shooting sa isang paaralan sa Batac, Ilocos Norte. | via @dzbbsamnielsen https://t.co/7JYLLd6Z9R
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 17, 2026
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.