Bibingka na patok sa mga Pinoy lalo na sa kapaskuhan, ginawang pizza

Ngayong kapaskuhan hinahanap-hanap na naman ng mga Pinoy— lalo pagkatapos ng Simbang Gabi— ang kakaning bibingka. Ang isang kainan, nilagyan ito ng twist at ginawang pizza.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang bibingka pizza ng Crosta Pizzeria, na pakulo ng Filipino-Japanese chef na si Yuichi Abellara Ito.
“So the idea of the bibingka pizza actually came from one of our farm visits. Sobrang nag-stick siya sa mind ko dahil the style of cooking, the ingredients, and the taste. It was so remarkable na halo-halo siyang lasa na first time ko siguro na experience with bibingka,” sabi ni Yuichi.
Sourdough ang gamit nilang pizza dough na fermented ang harina kaya may kaunting asim ang lasa, pero mas chewy at crispy naman ang texture.
Saka ito lalagyan ng keso sa dulo para maging crust kapag binake. May sarili rin silang bersyon ng galapong at marami pang keso. Pagka-bake, sasamahan pa ito ng salted egg bechamel.
Parte ito ng kanilang weekend specials. Ilan pa sa kanilang special pizza ang Bilo-Bilo Pizza, Sisig Pizza at Longsilog Pizza.
Ipinagmamalaki ni Ingga Cabangon Chua, may-ari ng pizzeria, na nagawaran sila ng pagkilala bilang isa sa mga top pizzeria sa Pilipinas ng 50 Top Pizza. Kinilala rin bilang isa sa best pizzerias sa mundo.
Binabalik-balikan sa kanila ang kanilang pizza crust.
“Very crunchy on the outside, tapos light and airy po siya sa loob. In order to become a household name, kailangan no matter what day, what time, nag-order ang mga tao, alam nila na makukuha nilang produkto is consistent,” sabi ni Ingga.
Si Ingga ang mismong nag-develop ng kanilang mga kakaibang pizza.
“It became my passion because I got good at it. So I started off with no knowledge, self-trained lang po ako, wala akong culinary background. Pero ‘yung obsession po sa pag-perfect ng dough, you fall in love with something that you eventually become good at,” sabi niya.
Tatlong taon ang inabot bago nila maramdaman ang tagumpay sa negosyo.
Mabibili ang kanilang produkto ng mula P350 hanggang P1,000 depende sa flavor.
Isa sa kanilang mga hamon ang additional fee na ibinabayad sa delivery apps kada order, kaya lumikha sila ng sarili nilang food delivery platform.
“‘Pag kasi po ang values ninyo is to just copy what's already there, then how do you stand out in a crowd? How do you stand out in a very saturated market?” sabi ni Ingga. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.