Baligod, 4 dating bodyguard ni Zaldy Co, nakapagpiyansa

Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakapagpiyansa at nakalaya na si Levi Baligod at 4 na iba pang dating bodyguard umano ni ex-Rep. Zaldy Co matapos arestuhin sa San Juan City para sa kasong unjust vexation.
Samantala, hindi pa nakapagpiyansa ang 10 iba pa dahil maaga umanong nag-uwian ang mga staff ng korte kaya hindi na natanggap ang kanilang mga barangay certificate.
Nagpiyansa ang abogadong si Levito Baligod at apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co at pinalaya nitong Biyernes matapos ang kanilang pag-aresto sa San Juan City.
Nauna nang sinabi ng hepe ng San Juan City Police na si Police Colonel Anthony Gantang na dinakip si Baligod at iba pa sa San Juan Hall of Justice bandang 9:30 a.m. nitong Biyernes.
Nasa Hall of Justice si Baligod upang dumalo sa isang pagdinig sa korte.
Inilabas ng Iba, Zambales Regional Trial Court Branch 69 ang warrant of arrest, na nagtakda ng piyansa sa P10,000 bawat isa.
“Doon po sa warrant of arrest niya, ang nakalagay po ay, ang kaso ay unjust vexation, in relation to RA 10175. ‘Yun pong Cybercrime Prevention Act of 2012,” sabi ni Gantang.
Kung matatandaan, dati nang sinabi ng mga bodyguard na naghatid sila ng mga maleta ng pera kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., Leyte Representative at former Speaker Martin Romualdez, at iba pang mga indibiduwal. Itinanggi nina Marcos, Romualdez, at iba pa ang mga paratang.
Gayunman, noong Agosto, apat sa 18 na nilagdaang affidavit ang binawi ang kanilang mga paratang. Sinabi nilang gusto lang nilang mamuhay nang tahimik, at idinagdag na may mga banta sa kanilang buhay. —Jamil Santos/ VAL, GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.