Binatilyo na kukuha ng tubig sa bukal sa Cebu, nalunod nang madulas

Isang 13-anyos na binatilyo na kukuha sana ng tubig mula sa isang bukal ang nalunod sa ilog sa Dumanjug, Cebu.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Martes, lumabas sa imbestigasyon ng Dumanjug Police na dumaan sa Barangay Kabalaasnan ang binatilyo at kaniyang kapatid nang mangyari ang insidente.
Nadulas at nahulog sa ilog ang biktima. Tinangka siyang sagipin ng kapatid pero nabigo ito kaya humingi ng saklolo.
Rumesponde naman ang mga taga-Buureau of Fire Protection pero pahirapan ang pagsagip dahil sa lakas ng agos sa ilog.
Nakuha kalaunan ang katawan ng binatilyo, na idineklarang dead on arrival sa ospital. Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.