Bilang ng mayorya sa Senado, umakyat sa 14 sa paglipat ni Mark Villar

Iniluklok ng Senado nitong Huwebes si Senator Mark Villar bilang miyembro ng Commission on Appointments at bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, na hudyat ng kaniyang paglipat mula minorya papunta sa mayorya.
Iminungkahi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang paghalal kay Villar sa makapangyarihang CA at public works panel. Walang tumutol dito.
Kinumpirma ni Zubiri na "as part of the majority" ang mga posisyon ni Villar.
"Yes. We just elected him to the CA and Public Works Committee as part of the majority," sabi ni Zubiri.
Pormal na umalis si Villar sa minority bloc dalawang linggo matapos siyang bumoto para suportahan ang mosyon na iapela ang desisyon noong Hulyo 6, na orihinal na itinakda ang conviction threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa 16 na boto—na kumakatawan sa dalawang-katlo ng kabuuang 24 na miyembro ng Senado.
Dahil dito, binubuo na ngayon ang majority bloc ng 14 na miyembro, habang may 10 miyembro ang minority — kung saan ang apat sa kanila ang kasalukuyang hindi dumadalo sa mga sesyon.
Nakapiit sina Senator Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta dahil sa magkakahiwalay na kasong plunder, habang nagtatago naman si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Samantala, ilang buwan nang naka-medical leave si Senator Loren Legarda. — VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.