Kakai Bautista, inilahad naranasang bullying dahil sa kaniyang hitsura at kung paano niya ito hinarap

Kilala bilang “Dental Diva” dahil sa kaniyang gilagid o gums, inilahad ni Kakai Bautista na nakaranas siya ng pambu-bully dahil dito. Paano niya hinarap ang pangungutya at natutunang tanggapin ang sarili? Alamin.
“Hindi naman na ako naaapektuhan pagka 'yung pinapansin 'yung bibig ko,” sabi ni Kakai sa kaniyang nakaraang guesting sa “i-Listen with Kara David.”
Ayon sa singer-actress, naranasan niya ang bullying sa murang edad. Paliwanag niya, kakaiba ang kaniyang bone structure na kaniyang nalaman nang magpasuri siya sa mga doktor.
“Kasi dati Ms. Kara, noong dati chineck ako ng dentist, ng ortho, 'yung bone structure ko daw at saka 'yung process ng bone growth ko, 'yung genes ko daw ‘pag tumatanda, gumagano’n ‘yung bone (kumukurba),” pagbahagi niya.
“Kasi nu'ng bata ako makapal na 'yung gilagid ko pero flat siya diretso siya, hindi siya naka-protrude. So 'yun nga dahil ang laki ng gums, ang liit ng ipin. 'Yun 'yung main cause of bullying,” pagpapatuloy ni Kakai.
Ikinuwento rin ni Kakai na noong kaniyang kabataan, iba na siyang mag-isip.
“Nabu-bully ako kasi I'm really different. Noong bata ako, sobrang ahead 'yung utak ko sa kanila. Kasi minsan talaga naisip ko, sabi ko, ‘Hala, para akong may tililing nu'ng bata.’Tapos lagi akong nagre-reason out sa teacher kahit elementary pa lang ako,” sabi pa niya.
Madalas daw pang-asar kay Kakai noon ang tawag na “Tiger Shark.”
“Ang malala sa akin nu'ng high school ako, may isang barkadahan ng mga lalaki, mga rich kids sa high school. Tawag nila sa akin, ‘Tiger Shark.’ Tuwing dadaan ako kumakanta talaga sila 'yung cartoons na Tiger Shark,” kuwento pa niya, “Tapos deadma na lang ako, diretso na ako.”
Inamin ni Kakai na minsan din siyang na-insecure sa sarili, lalo noong mga panahong walang nanliligaw sa kaniya.
“May mga times lalo noong high school kasi very crucial 'yung stage na 'yun, adolescence 'yun, 'yung magdadalaga ka. Nakikita mo 'yung mga kasabay mo, mga kapitbahay ko, mga kaibigan, hala laging may manliligaw. Sa akin mga naniningil ng utang 'yung pumupunta. Walang nanliligaw sa akin. Naisip ko, ‘Bakit kaya?’ Siguro nga iba kasi talaga hitsura ako, hindi ako katulad nila,” paglalahad niya.
Sa kabila ng mga pangungutya sa kaniya, ipinagmamalaki ni Kakai ang kaniyang magandang grades.
“Deadma ako kasi 8080 nga, parang, hmm diyan lang naman kayo matapang. Juice ko, bagsak naman kayo sa mga subject,” saad niya.
Kalaunan, natuto na siyang tanggapin ang kaniyang sarili mula noong magkolehiyo at mag-showbiz.
“Simula noong nag-college ako hindi na ako ganu’n ka-affected kasi in-embrace ko na siya. Lalo na noong nag-showbiz ako tapos dahil sa hitsura ko parang, hala nagkaroon ako ng trabaho,” aniya.
“Siguro, Miss Kara, kasi iniisip ko nu'ng nung bata kasi ako, ang thinking ko na is kung hindi man nila magustuhan 'yung hitsura ko, at least babawi ako sa school, babawi ako sa grades. Nadala ko 'yun hanggang nu'ng nag-theater ako, hanggang sa nag-showbiz ako,” ani Kakai.
Gayunman, hindi pa rin nakaiwas si Kakai sa mga pangmamaliit.
“'Yung mentor ko ng theater nu'ng nag-start ako sa theater talagang nu'ng nalaman niya ako 'yung magbibida sabi niya ‘Wala na bang iba?’” Eh kasi maganda 'yung character eh. Pero siyempre kailangan mong maging magaling to deliver the portrayer of your role as you know the character,” kuwento niya.
Kumpiyansa sa kaniyang sarili, idinadaan ito ni Kakai sa galing niya sa pagtatanghal.
“Tapos ‘pag kumakanta ako sabi niya ‘Doon ka sa backstage sige na sige na. Ayokong makita 'yung mukha mo.’ 'Yung nagbibiro siya sa akin. Pero sabi ko, ‘Ay ganu’n ba? Gagalingan ko na lang,’” ani Kakai.
“So 'yung mga ano, hindi na sila magsasalita ‘pag narinig na nila ako at nakita na nila akong mag-perform,” dagdag niya.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.