Driver's license ng nagmaneho ng 'supercar' na pinalitan ang plaka, inirekomendang bawiin

Nanganganib na matanggalan ng lisensiya sa pagmamaneho ang driver ng kontrobersiyal na “supercar” na kinumpiska naman ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa pinalitan ang plaka nito nang ibiyahe sa kalsada.
Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabing inirekomenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao, na tuluyang bawiin ang lisensya ng driver nang in-impound na Porsche Spyder matapos na lagyan ito ng hindi awtorisadong plaka na may initials ng pangalan habang bumibiyahe sa kalsada.
Kasunod nang pag-viral sa social media ng naturang sasakyan, naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang LTO laban sa rehistradong may-ari at driver ng naturang mamahaling sasakyan para pagpaliwanagin sa ikinabit na hindi awtorisadong plaka
“Malinaw ang paglabag ng driver ng supercar na ito. Mahigpit po tayo laban sa paggamit ng peke o hindi awtorisadong plaka. Ginagawa lang naman natin ito upang matiyak na tama at legal ang pagkakakilanlan ng bawat sasakyan sa kalsada,” saad ni Lacanilao sa pahayag.
Idinagdag pa na nananatiling “held in abeyance” ang sasakyan alinsunod sa magiging pasya umano ng BOC na kumpiskahin ito dahil sa misdeclared at hindi umano tama ang binayarang buwis . -- FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.