Balikbayan na mula sa Sweden, patay nang barilin sa Cebu

Nasawi ang isang babaeng balikbayan mula Sweden matapos siyang barilin sa Lapu-Lapu, Cebu. Nahuli ang gunman, pati ang babaeng caretaker na siya umanong utak sa krimen.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing pagkagaling mula sa Sweden, pinuntahan ng 72-anyos na biktima para silipin ang pinapaupahan niyang apartment sa Barangay Gun-ob, at doon na siya pinagbabaril at napatay.
Nadakip naman kalaunan ang gunman matapos maplakahan ang motorsiklo na kaniyang ginamit sa krimen.
Sa imbestigasyon, umamin umano ang gunman na inutusan siyang barilin ang biktima kapalit ng P15,000 na bayad.
Itinuro rin niya ang mastermind sa krimen na ang babaeng caretaker sa apartment ng biktima.
Dinakip na ang caretaker, na hindi nagbigay ng pahayag, ayon sa ulat.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na iniutos ng caretaker ang pagpatay matapos niyang magamit umano ang pera na pambayad dapat sa bills ng paupahan.
Sinampahan ang dalawa ng reklamong murder, habang patuloy ang pagtugis sa rider ng getaway vehicle na kapatid umano ng caretaker. —Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.