10 katao, sugatan sa ambush sa Basilan; karahasan, kinondena ni Gov. Hataman

Siyam na tauhan ng Philippine Army at isang sibilyan ang sugatan matapos na tambangan ang kanilang convoy ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Tipo-Tipo, Basilan. Ang naturang karahasan, mariing kinondena ng gobernor sa lalawigan.
Sa isang pahayag, sinabi ng 11th Infantry Division (11ID) ng Philippine Army, na naganap ang ambush dakong 7:45 am habang bumiyahe mula Tipo-Tipo patungong Lamitan City ang mga tauhan ng 45th Infantry Battalion.
Pinangunahan ni 45th Infantry Battalion commanding officer Lieutenant Colonel Franco Baylon ang convoy na binubuo ng tatlong KM450 truck at tatlong civilian vehicle.
Nasa Sitio Bauno Dagao sa Barangay Badja ang convoy nang paputukan ito ng nakatakas na mga salarin.
Ayon sa militar, siyam na sundalo at isang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary (CAA) ang nasugatan sa insidente.
Kabilang sa mga nasugatan ang dalawang sundalong tinamaan ng bala sa ulo. Ang iba naman ay nagtamo ng tama ng bala sa mga binti, balakang, tiyan, likod, daliri at iba pang bahagi ng katawan. Dalawa rin sa mga tauhan ang nagtamo ng sugat mula sa shrapnel.
Kaagad na inilikas ang mga nasugatan sa isang medical facility para malapatan ng lunas.
Nagpadala rin ng karagdagang mga tauhan upang tiyakin ang seguridad sa lugar at maiwasan ang iba pang pag-atake laban sa mga puwersa ng gobyerno at kalapit na komunidad.
“The JTF Orion condemns this act of violence,” ayon sa militar.
“We assure the public that appropriate security measures are being undertaken in coordination with concerned units and authorities to establish the circumstances surrounding the incident and hold those responsible accountable,” dagdag nito.
Sa hinila ng militar, isinagawa ang pag-atake bilang pagganti ng isang armadong grupo na pinamumunuan umano ni Saddam Siddick.
Iniuugnay ng militar ang ambush sa isang operasyon kamakailan sa Barangay Baimbing sa Lamitan City, na nagkaroon ng sagupaan at napatay ang asawa ni Siddick na si Nermalyn Salapuddin Musa.
Hinimok naman ng JTF Orion ang publiko na manatiling kalmado at iwasang magpakalat ng mga impormasyong hindi pa beripikado habang nagpapatuloy ang mga operasyon sa seguridad at imbestigasyon.
Samantala sa isang pahayag, mariing kinokondena ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang nangyaring ambush laban sa mga sundalo.
“I strongly condemn the ambush against members of the 45th Infantry Battalion in Barangay Badja, Tipo-Tipo, Basilan. We pray for the swift recovery of the soldiers wounded in the incident and stand with their families,” anang gobernadora.
Hiniling niya sa publiko na manatiling kalmado at hayaang alamin ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente sa isinasagawang imbestigasyon.
“At the same time, those responsible must be identified, apprehended, and brought to justice,”ani Hataman. “We call on our security forces to pursue the perpetrators firmly but with restraint, while ensuring the safety of innocent civilians and communities.” — Joviland Rita/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.