[Tambay] Kaya ba ng mga kooperatiba na maghalal ng senador?
- Inilulunsad ng Philippine Chamber of Cooperatives ang isang proyekto para sa Senado upang maglagay ng sarili nilang mga kandidato sa halalang pambansa sa 2028, na naglalayong mas mabuting irepresenta ang mga interes ng mga kooperatiba.
- Ang inisyatibong tinatawag na Coop Vote ay naglalayong bumuo ng isang disiplinadong bloke sa lehislatura na nagbibigay priyoridad sa mga tinig at pangangailangan ng mga miyembro ng kooperatiba, na bumubuo sa malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas.
This is AI-generated. Read the article for full context. Report any errors.
Sa 2028 pa ang pambansang halalan, pero noong Biyernes ng tanghali eleksyon na ang usapan sa isang hotel sa Maynila. At hindi mapigil ng pagbabalik ng habagat yung mainit na kuwentuhan ng mga taong matatayog ang pangarap.
Pabiro pa nga silang binansagan ng tambay na ito na “dreamers” dahil nga sa tayog ng inaambisyon nila.
Bahagi ng National Leadership Congress ng Philippine Chamber of Cooperatives (Coop Chamber) na ginanap nung maulan na Biyernes na iyon ay isang press briefing. Sa briefer inanúnsiyó ng Coop Chamber ambisyosong bagong project nila. Ito ang Senatorial Project / Coop Vote.
Sa madaling salita magpapatakbo ang Coop Chamber ng sarili nilang kandidato o mga kandidato para sa Senado.
Bakit ko tinawag na ambisyoso? Kasi hindi ito simpleng endorso ng kandidato. Hindi rin ito pagpapatakbo ng partylist sa House of Representatives. Kasi mayroón ng mga kinatawan ang ilang sector-based groups. At ang kadalasan pókus ng mga ito ay ang kailangan ng kanilang sector. At dahil nga kakarampót ang bilang ng mga grupong coop-based sa Kamara, hindi matutukan ang mga mas malalawak na pangangailangan ng mga kooperatiba sa Pilipinas.
Ang inaasinta ng Coop Vote ay magpatakbo ng sarili nilang kandidato para sa Senado. Hindi lang endorso, kundi mismong kandidato. At kung masusunod ang kanilang balákin, bubuo na din sila ng Coop Party.
Aaminin na ng tambay na ito na malapit sa kanyang pusò ang cooperativism. Noong kasibulan ng kanyang paninilbihan sa Philippine Daily Inquirer (kung saan lagpas 30 taon siya nagtrabaho), bumuo sila ng multi-purpose cooperative para sa mga empleyado. Patawarin ninyo na ang flex na ito, natulungan ng Inquirer Coop ang karamihan ng empleyado, mula sa simpleng kawani hanggang sa top executives.
Kaya buo ang aking suporta sa mga pagkílos palakasín ang mga cooperative sa bansa.
“Panahon na para kumilos ang mga kooperatiba. Hindi na nanonood lang sa mga nangyayari sa ating bansa… The Senatorial Project and the Coop Vote are not merely political exercises, they are a structural awakening. By organizing primary cooperatives across all 16 regions into a disciplined, proactive legislative bloc, we are making it clear that no national policy, budget, or reform will be forged without honoring the voices and livelihoods of our millions of member-owners,” sabi ni Edwin Bustillos, secretary general ng Coop Chamber.
Totoo ang numerong nabanggit niya.
Sabi sa cooperatives.com: “The Philippines has one of Southeast Asia’s most developed cooperative sectors, with over 27,000 cooperatives registered with the Cooperative Development Authority (CDA) and more than 16 million members — approximately 15% of the population. The sector spans agriculture, savings and credit, consumer goods, transport, and housing, making it a cornerstone of rural economic development.”
Ang Cooperative Development Authority ang sangay ng gobyernong nangagasiwa sa mga coop sa bansa. Ang Coop Chamber naman ay samahan ng mga kooperatiba na nagtutulungan.
Maraming consultation na gagawin ang Coop Chamber, pero desidído silang ito ang landas na dapat nilang tahakin, sabi ni Noel Raboy, chair ng Coop Chamber.
Pero ang umantig sa puso ko ay yung sinabi ni Marlene Sindayen, Coop Chamber vice chair at trustee. Kapag matuloy na ang pagtakbo ng kandidato ng mga coop, mag-aambag ng limang piso ang bawat isang coop member para suportahan ang kampanya nila. “Maliit na halaga lang yan. Pero ipapakita namin na kami ang magbibigay o mag-aambag ng pera at hindi tatanggap. Ipapakita namin na hindi kami nabibili.”
Ang totoo niyan, kakapirasong halaga ang limang piso. Pandagdag lang. Pero ito ang naglalarawan sa karaniwang kasapi ng mga coop — mga ordinaryong Pilipino na paunti-unting inaangat ang buhay sa konting kíta, konting ípon. Mga namamaluktot muna habang untî-untî nilang mapalaki ang maikling kumot.
Sabi ni Noel, isa o hanggang tatlong kandidato sa senado muna ang kanilang patatakbuhin sa pambansang eleksyon sa 2028.
Nabanggit din niya na ang inspirasyon ng Coop Chamber ay si Andy Burnham, ang bagong prime minister ng United Kingdom. Si Burnham ay miyembro ng Co-operative Party na ka-alyansa ng Labour Party na nagluklok sa kanya maging punong ehekutibo.
Nung marinig ko ito, naisip ko: aba, teka, puwedeng mangyari din yan dito sa Pilipinas.
At ang mariin na pinangako ni Noel, “hindi kami pipili ng politiko. Hindi kami pipili ng artista. Hindi dahil din sikat, patatakbuhin namin. Ang gusto namin naniniwala at sumusunod sa mga prinsipyo ng cooperativism.”
Parang may nais tumbukín si Noel?
Pero teka bakit itong senador na namang ito ang pumasok sa isip ko.
Ipinangako na kasi ng tambay na ito sa kanyang saríli na lumubay muna sa pagpuna at komentaryo sa mga kabulastugan ni Senador Robinhood Padilla tuwing impeachment hearing ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sa palagay ng tambay na ito ay marami pang may kabuluhan na pampalipas oras ang mapagkukuwentuhan. At malamang ay wala nang magagawa ang senador para lalo pang maibaon ang sarili sa kumunoy ng kapurulan.
Pero nagkamali ako. Pinatunayan na naman ng topnotcher senador ang katangian niyang sana ay nakikita na rin ng nakararami.
Nung impeachment hearing kasi nung nakalipas na linggo binulalas ni Senator Robin ang mga nom de guerre at nom de plume ng mga bayaning rebolusyonaryong nag-aklas noong panahon ng himagsikan. Ang pinupunto niya ay walang mali sa paggamit ng alyas.
Inihalintulad niya ang mga alias ng mga dakilang bayani kanila Mary Grace Piattos at iba pang alias sa mga acknowledgement receipts na tumanggap diumano ng bayad galing sa confidential funds ni VP Sara. Mga alias din daw dahil nagbigay sila ng intelligence information at dahil diyan dapat ikubli ang kanilang tunay na identity.
Hindi pinakinggan ni Padilla ang paliwanag ng abogada ng prosekusyon na “non-issue” ang usapan sa alias dahil hindi naman ito inireklamo sa impeachment.
Ang punchline pa ni Senator Robin ay nung tinanong ang abogada: kilala mo ba si Marcial Bonifacio? At sa tono pa ng pagtatanong ni Padilla, parang siya lang ang nakakaalam ng sagot.
Maraming komentarista ang hindi maubos maisip bakit si Ninoy Aquino pa ang napili ni Padilla na gawing punchline ng kanyang interjection. Wala namang kinalaman ang bayani sa confidential funds.
Usapan paggamit din lang naman ng mga alias, kilala ba ni Robin si William Saunders and Jane Ryan? Iyan ang alias nila Ferdinand at Imelda Marcos noong nagbukas sila noong 1968 ng mga Swiss bank accounts.
Ok, sige lumapit na tayo sa mundong kinagisnan ni Senator Padilla. Bakit hindi siya humugot sa mundo ng showbiz? Halimbawa: Kagalang-galang na senador, kilala po ba ninyo si BB Gandhari? – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.