Ilang pulis, nag-'check-in' sa motel sa Maynila sa gitna ng ASEAN Summit?; PNP, dumepensa

Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes ang nakitang naka-post sa social media na police mobile na nakaparada sa isang drive-in motel sa Maynila sa gitna ng security operation na ipinatutupad para sa 49th ASEAN Summit.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, walang masama kung sa mga motel nagpapahinga ang mga pulis habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa naturang pandaigdigang pagtitipon na ginaganap ngayon sa Maynila.
“Ano ba ang definition ng motel? Motel is a motorist hotel. Now, let us cleanse our minds naman,” sabi ni Co sa isang press briefing.
Inihayag din ni Co na nangangailangan ang mga pulis ng abot-kayang matutuluyan kung saan maaari silang magpahinga bago muling sumabak sa kanilang tungkulin.
Ipinaliwanag niya na may ilang hotel na hindi nag-aalok ng mas maiikling oras ng pananatili.
Dagdag pa niya, maaaring mas praktikal na opsyon ang mga motel para sa mga tauhan na ilang oras lamang kailangang matulog bago muling magpatuloy sa kanilang trabaho.
“We do not see any issue with parking in this establishment,” patuloy ni Co.
Gayunman, sinabi ni Co na susuriin pa rin ng PNP ang mga detalye tungkol sa naturang usapin.— FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.