'Golden Boy' Carlos Yulo, nagbigay ng ikalawang gintong medalya para sa Pilipinas sa 2026 Asian Games

Nakakuha pa ng isang gintong medalya si Carlos Yulo sa 2026 Asian Games matapos manguna sa men's vault final noong Biyernes sa Japan.
Kumamada si Yulo ng average score na 14.599 matapos makapagtala ng 14.733 sa unang vault at 14.466 naman sa ikalawang vault.
Pumangalawa si Mahdi Olfati ng Iran na may average na 14.533, habang pumangatlo si Ng Ka Ki ng Hong Kong na may average na 14.116.
Si Yulo, isang Olympic gold medalist at world champion, ay nakakuha rin ng kaniyang unang gintong medalya sa Asian Games noong Huwebes matapos manalo sa floor exercise.
Mayroon na ngayong dalawang gintong medalya ang Pilipinas na mula kay Yulo, bukod pa sa isang silver at apat na bronze sa nagpapatuloy na Asian Games. —FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.