Nasa 30 katao, nasawi sa banggaan ng dalawang high-speed train sa Spain

Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi matapos magbanggaan ang dalawang high-speed train sa Spain nitong Miyerkules. Ito na ang ikalawang deadly accident sa loob ng wala pang isang taon sa rutang nag-uugnay sa Madrid at sa rehiyon ng Andalusia sa katimugang bahagi ng bansa, ayon sa mga awtoridad.
Sa mga video footage na ipinalabas ng Castilla-La Mancha Television, makikita ang isang tren na nadiskaril, habang isang bagon nanatili sa mataas na bahagi ng riles. Makikita rin ang mga nagkabaluktot na bakal, sirang panel, at mga piraso ng wasak na tren.
Ikinuwento ni Miguel, isang pasaherong kasama ang ilang katrabaho sa hulihang bagon ng isa sa mga tren, sa COPE radio ang mga pangyayari ilang sandali bago maganap ang aksidente.
"We heard a massive roar, a truly enormous thud that went on for 10 seconds, as if the train were about to derail. Through the right-hand window, we could see a wrecked train – I imagine it must have been the other one," saad niya.
Ayon sa regional government ng Castilla-La Mancha, umakyat sa 30 mula sa naunang 10 ang bilang ng mga nasawi. Nauna nang nagbabala ang mga awtoridad na maaari pang tumaas ang bilang.
Naganap ang banggaan siyam na buwan matapos ang isa pang aksidente sa parehong ruta, na kinasangkutan din ng mga high-speed train na pagmamay-ari ng parehong mga operator. Umabot sa 46 tao ang nasawi sa naturang insidente.
Noong Enero, nadiskaril ang isang tren at bumangga sa paparating na tren malapit sa Adamuz, sa lalawigan ng Cordoba. Dahil sa aksidenteng iyon, nagkaroon ng debate tungkol sa pagmamantine ng mga riles sa nakalipas na mga taon. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.