Mga sundalo, muling tinambangan sa Basilan; ilang araw matapos bumisita roon si DND Sec. Teodoro

Pitong sundalo at ilang sibilyan ang nasugatan sa panibagong insidente ng ambush sa Basilan nitong Huwebes. Nangyari ang pag-atake ilang araw pa lang ang lumilipas matapos bumisita sa lalawigan si Defense Secretary Gilberto Teodoro, bunga ng naunang pananambang na nangyari noong Lunes.
Batay sa paunang impormasyon, mga sundalo mula sa 45th Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga sundalong sugatan sa ambush sa Barangay Sabong sa Lamitan City, Basilan, na nangyari dakong 6:50 PM nitong Huwebes.
Sakay umano ng military truck ang mga sundalo nang paulanan sila ng bala ng mga armadong salarin na hindi pa inihahayag kung anong grupo.
Dinala ang mga sugatan sa Lamitan district hospital, at dalawa umano sa mga ito ang malubhang nasugatan kaya kinailangang ilipad patungong Zamboanga City.
Sa Facebook page ni Basilan Governor Mujiv Hataman, sinabing kaagad itong nagtungo sa pagamutan para alamin ang kalagayan ng mga sugatan, kabilang ang isang mag-amang sibilyan na nadamay.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng 1101st Infantry Brigade ang nangyaring “armed encounter” ng mga miyembro ng 45th Infantry Battalion at armadong grupo sa Basilan.
“Our wounded personnel are currently receiving appropriate medical attention. We ask the public and the media to respect the privacy of the affected personnel and their families while their condition is being attended to,” saad nito sa pahayag.
“The circumstances surrounding the incident are being thoroughly assessed by the concerned authorities. Appropriate security measures are likewise undertaken to protect our troops and nearby communities,” patuloy nito.
BASAHIN: 10 katao, sugatan sa ambush sa Basilan; karahasan, kinondena ni Gov. Hataman
Nito lang Martes, October 6, nagtungo si Defense Secretary Teodoro sa Basilan, at nakipagpulong sa mga opisyal ng militar sa lalawigan at kay Gov. Hataman, kaugnay sa nangyaring ambush sa bayan ng Tipo-tipo noong Lunes, na hindi bababa sa 10 sundalo naman ang nasugatan. -- FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.