Alagang 3 aso at 14 na manok, patay matapos makain ang lason na inilagay para sana sa mga daga

Tatlong alagang aso at 14 na alagang manok ang namatay matapos makakain ng lason na inilagay ng isang barangay kagawad para sa mga daga na umaatake sa mga tanim sa bukid sa Bacarra, Ilocos Norte.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, alaga ng isang mag-anak ang mga aso at manok sa Barangay Cabusligan na nakatira malapit sa bukid.
Ayon sa may-ari ng mga hayop, nakain ng kanilang mga alaga ang lason na inilagay ng isang kagawad para sa mga daga na umaatake sa mga pananim sa bukid.
Sinabi ng may-ari ng mga hayop na hindi sila nasabihan na may mga lason na inilagay sa bukid.
“Dapat sinabi sa amin, siyempre kami may kulungan naman, kinulong naming agad [ang mga alaga],” ayon sa may-ari ng mga hayop.
Tumangging magbigay ng pahayag ang kagawad pero sinabi ng punong barangay na parehong may pagkukulang ang magkabilang panig.
Nagkaayos na rin daw ang magkabilang panig at binayaran ng kagawad ang mga namatay na alagang hayop. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.