BALIKAN: Ang makapigil-hiningang pagdakip kay Jason Ivler na wanted sa road rage murder

Taong 2009 nang humantong sa pamamaril at pagkasawi ng isang lalaki ang insidente ng road rage na kinasangkutan ni Jason Ivler, anak ni Marlene Aguilar, na kapatid ng OPM icon na si Freddie Aguilar. Ang paghuli sa kaniya, naging makapigil-hininga nang magtago siya sa basement ng tahanan ng kaniyang ina, at nakipagbarilan sa mga awtoridad.
Sa nakaraang episode ng “Philippine Controversies Revisited” na host si Emil Sumangil, binalikan ang pagtugis kay Jason ng mga tauhan ng NBI o National Bureau of Investigation, sa loob ng isang subdivision sa Quezon City.
Isinagawa ang operasyon laban kay Ivler nang makatanggap ng tip ang mga awtoridad tungkol sa kinaroroon ni Jason, na dalawang buwan nang tinutugis, at isang Filipino-American na dating miyembro ng US Army.
Pagdating ng mga awtoridad sa bahay, na tinitirhan pala ng ina ni Jason na si Marlene, agad itong pinasok ng NBI.
Nang pasukin ng mga awtoridad ang basement ng bahay, doon na umalingawngaw ang mga putok ng baril at nakumpirmang nagtatago roon si Jason.
Nagbakasakali ang NBI na idaan pa sa mabuting usapan ang pagsuko ni Jason kaya hinayaan nila si si Marlene na kausapin ang anak.
Subalit sa halip na sumuko, nagmatigas pa lalo si Jason at muling nagpakawala ng mga putok ng baril. Dalawang tauhan ng NBI ang tinamaan ng bala. Kaya naman nagpasiya na ang NBI na gamitin ang lahat ng puwersa nito upang makuha si Jayson.
Kalaunan, nadakip din si Jason na nagtama rin ng mga tama ng bala sa spleen at large intestine. Nakaligtas siya sa mga tinamong sugat.
Road rage incident
Bago nito, itinuturong suspek si Jason sa isa sa pinaka kontrobersiyal na road rage incident sa Pilipinas.
Gabi ng Nobyembre 18, 2009 nang magkagirian ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng Colonel Bonny Serrano Avenue sa Quezon City.
Batay sa mga saksi, sinubukan umano ng driver ng isang sasakyan na mag-overtake kahit na traffic noon. Ngunit hindi siya pinagbigyan ng kabilang sasakyan.
Pagkarating ng mga ito sa stoplight, tuluyan umanong nakalusot ang driver na nagtangkang mag-overtake at huminto sa tapat ng nakagitgitang kotse.
Matapos nito, bumaba ng sasakyan ang nag-overtake na driver, nilapitan ang driver sa kabilang sasakyan, sumigaw ng, “Kursunado mo ba ako?,” at binarily ang sakay nito.
Dead on the spot ang driver na si Renato Victor Ebarle Jr., 27-anyos, isang human resources officer sa isang sikat na hotel sa Maynila, at anak ng noo’y Presidential Chief of Staff na si Undersecretary Renato Ebarle Sr.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa leeg, braso at dibdib.
Ang salarin, kaagad namang tumakas. Pero batay sa mga saksi, maganda ang tindig, semi-kalbo at may mga tattoo ang lalaking bumaril kay Renato Jr.
Mabilis na na-trace ng mga imbestigador ang sasakyan ng suspek dahil espesyal ang plaka nito na nakalaan para sa mga diplomat.
Batay sa mga tala, nakapangalan ang plaka sa isang British economist na si Stephen Pollard. Ngunit napag-alaman na hindi si Pollard ang nagmamaneho ng sasakyan noong gabi ng insidente, kundi ang stepson nito na si Jason Aguilar-Ivler.
Tugma ang hitsura ni Jason sa paglalarawan ng mga saksi sa suspek na may magandang tindig, kalbo, at may mga tattoo.
Natuklasan pa ng kapulisan nasangkot na rin si Jason sa isa pang road rage incident sa Pasig City noong 2004 na ikinasawi naman ng Malacañang advisor na si Undersecretary Nestor Ponce Jr.
Natakasan din ni Jason ang naturang pamamaril.
Pagtugis
Nagong pahirapan ang manhunt operation ng PNP at NBI kay Jason dahil sa paniwala na may nagpoprotekta sa kaniya.
Hanggang sa matunton na si Jason na nagtatago sa basement ng bahay ng kaniyang ina.
Agad dinala sa ospital ang sugatan at nanghihina na noong si Jason, habang inaresto rin si Marlene at sinampahan pa ng kasong obstruction of justice dahil sa pagtatangka na itago ang anak mula sa mga awtoridad.
Nakapagpiyansa rin si Marlene sa halagang P12,000. Bukod sa pagtatanggol sa anak, tahasan din niyang hinahamon ng away sa mga interview ang mga biktima.
Pagkakulong
Halos tatlong buwang nanatili sa ospital si Jason dahil sa mga tinamong sugat. Pagka-discharge noong Abril 6, saka pa lamang niya hinarap ang mga kaso at ikinulong noon sa Quezon City Jail.
Napag-alaman pa na posibleng ang baril na ginamit ni Jason sa pagpatay kay Ebarle Jr., ang parehong baril na na-recover ng NBI nung arestuhin siya.
Kahit nakakulong na, naintriga pa rin si Jason, at inakusahan na nakatatanggap ng VIP o special treatment sa loob ng city jail. Ito ay matapos kumalat ang mga litrato kung saan makikitang nagpa-party umano siya sa loob.
“My physical condition is kind of, in my opinion, embarrassing to me. I don't really like to see people, I don't really like people to see me with my shirt off. They're saying I get VIP treatment, I can't even get medical treatment. They couldn't even help them. They couldn't even take me to the hospital,” sabi ni Jason.
Guilty
Taong 2015 o mahigit isang dekada matapos ang insidente, ibinaba ng Quezon City Regional Trial Court Branch 84 ang hatol sa kaso ni Jason na guilty. Pinarusahan siya ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong.
Pinagtibay ng Court of Appeals noong 2017 ang desisyon ng lower court.
Noong December 2019 naman nang tuluyang ibinasura ng Korte Suprema ang huling apela ng kampo ni Jason sa desisyong ito. Opisyal nang naging pinal ang kaniyang conviction sa kasong pagpatay.
Pinagbayad din siya ng halos P10 milyon danyos sa pamilya ng biktima bilang kabayaran sa krimeng ginawa niya.
Sa kasalukuyan, nakapiit pa rin si Jason Ivler sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.