Tricycle driver, patay matapos mabangga ng van at masagasaan ng kotse sa Pangasinan

Nasawi ang isang 63-anyos na tricycle driver matapos siyang magulungan ng isang kotse sa Calasiao, Pangasinan. Pero bago ito mangyari, nauna na muna siyang nabangga ng isang van.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na isang van ang unang nakabangga sa hulihang bahagi ng tricycle na minamaneho ng biktima sa Barangay San Miguel.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon sa kalsada mula sa kaniyang tricycle ang biktima. Nagkataon naman na may paparating na kotse na nakasagasa sa kaniya.
Isinugod ang biktima sa ospital subalit hindi na siya umabot nang buhay.
Ayon sa pulisya, nagkausap na umano ang mga sangkot na driver at ang mga kaanak ng nasawing biktima.
Paalala rin ng pulisya sa mga motorista, maliban sa pagtiyak na maayos ang sasakyan, dapat ding suriin ng driver ang kaniyang sariling kondisyon upang makaiwas sa sakuna. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.