1 patay, 4 sugatan matapos araruhin ng 1 van ang 3 motorsiklo sa Bulacan

Isang rider ang nasawi, habang apat pa ang malubhang nasugatan, matapos araruhin ng isang van ang tatlong motorsiklo sa Meycauayan, Bulacan
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV| One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nitong Sabado, dakong 11 pm sa McArthur Highway.
Sa video footage, makikita na biglang lumihis ng direksiyon ang van at tinumbok sa kabilang linya ang tatlong nakasalubong na motorsiklo.
Sa lakas ng banggaan, nawasak ang harapan ng van at nasira ang mga motorsiko.
Ayon sa pulisya, dinala ang mga biktima sa pagamutan pero hindi na umabot nang buhay ang isang rider.
Malubha namang nasugatan ang dalawa pang rider at kani-kanilang mga angkas.
Sinabi rin ng mga awtoridad na idinahilan ng driver ng van--na pag-aari umano ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela-- na may iniwasan siyang bisikleta, at nawalan ng kontrol sa manibela kaya napunta siya sa kabilang bahagi ng highway.
Ayon sa pulisya, lumalabas na hindi naman lasing ang driver.
Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng van, na mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple serious physical injuries, at damage to properties. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.