PNP: Wanted persons sa Pilipinas, nasa 300,000; kabilang sina Bato, Zaldy Co, Bantag, Atong Ang
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nasa 300,000 ang wanted persons ang tinutugis ng mga awtoridad sa buong bansa, sa harap ng layunin ng kapulisan na madakip silang lahat.
Kasama sa listahan ng naturang wanted persons ang mga kilalang personalidad gaya ni Senator Ronald dela Rosa, dating kongresistang si Zaldy Co, dating hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag, at negosyanteng si Atong Ang.
“We are confident that we can achieve this goal because we have already shown that sustained and determined action can significantly reduce the number of wanted persons,” saad sa pahayag ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez nitong Martes.
“We will not be satisfied with reducing the backlog since our ultimate objective is to bring it down to zero,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Nartatez na saklaw ng kampanya laban sa mga pugante ang lahat ng indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest, anuman ang kanilang katayuan o posisyon sa lipunan.
Target ng PNP na tuluyang maibaba sa zero ang bilang ng mga natitirang wanted persons sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na operasyon ng pulisya, pangangalap ng impormasyon at mas mahigpit na koordinasyon sa iba pang ahensiya ng law enforcement.
Nang maupo si Nartatez bilang pinuno ng PNP noong Agosto 26, 2025, sinabi ng PNP na nasa 500,000 wanted persons ang nakatala sa kanilang database. Mula noon, nabawasan ito ng nasa 200,000 kasunod ng pagkakaaresto sa mga pugante sa nakalipas na 14 na buwan.
Gayunman, nasa 300,000 wanted persons pa rin ang hindi naaaresto.
Noong Oktubre, nasa 8,839 wanted persons ang naaresto sa buong bansa. Sa bilang na ito, 2,353 ang nasa kategoryang most wanted persons, habang 6,486 naman ang iba pang wanted individuals.
Nakapagtala ang National Capital Region Police Office ng pinakamataas na bilang ng mga naaresto na umabot sa 1,641. Sinundan ito ng Police Regional Office (PRO) 3 na may 1,503 at PRO 4A na may 1,317.— Joviland Rita/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.