DAHIL SA PILA?: 3 patay, 15 sugatan sa karahasan sa bisperas ng BARMM election sa Cotabato City

Tatlo katao ang nasawi, habang 15 iba pa ang nasugatan matapos ang barilan na naganap kasunod ng kaguluhan sa pagitan ng mga tagasuporta ng mga magkalabang grupo sa pulitika sa labas ng isang paaralan sa Cotabato City. Nangyari ito isang araw bago ang kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ginanap ngayong Lunes.
Naganap ang insidente nitong Lunes ng Datu Usman Mampen School sa Barangay Bagua 2.
Ayon kay Police Colonel Jibin Bongcayao, hepe ng Cotabato City Police, nagsimula ang karahasan dahil sa hindi pagkakaunawaan tungkol sa puwesto sa pila ng mga tagasuporta.
Sa paunang impormasyon na nakalap ng mga awtoridad, nagsimula ang komprontasyon bandang alas-5 ng madaling araw nang magtulakan ang mga tagasuporta ng magkalabang panig—na kinilala bilang mga kampo ng UBJP at BFP—upang maunang makapuwesto sa pila.
Lalo pang uminit ang sitwasyon pagsapit ng hatinggabi nang muling magkrus ang landas ng dalawang grupo, na nauwi sa suntukan at nasundan na ng putukan.
"It started as a struggle for position in the queue between two groups," saad ni Bongcayao sa isang pahayag. "It led to shoving, escalated into a fistfight, and eventually gunfire broke out in a crowded area."
Kabilang sa anim na nasugatan sa kaguluhan ang lokal na konsehal na si Marouph Pabo Pasawiran.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Samantala, isang lalaki ang malubhang nasugatan sa isang pagsabog din nitong Linggo ng gabi sa Amirul School sa Barangay Kapimpilan, Mother Kalanganan, Cotabato City.
Sa mga paunang ulat, pinaniniwalaang nasugatan ang biktima dahil sa pampasabog ng bagay na siya umano mismo ang may dala. Ayon sa isang residente, residente ng Poblacion 1 sa Cotabato City ang biktima.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente habang tumatanggap ng emergency medical treatment ang nasugatan.
Sa isang pahayag, kinondena ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang mga insidenteng karahasan at sinabing hindi nito mapipigilan ang mga botante sa rehiyon na bumoto.
Nagpaabot din ang OPAPRU ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.
"Violence has absolutely no place in this historic milestone. We call on law enforcement authorities to swiftly investigate and hold those responsible to account," sabi ni Presidential Adviser Mel Senen Sarmiento.
"While deeply regrettable, this act will not deter the Bangsamoro people from exercising their democratic right to vote in the first BARMM parliamentary elections," dagdag niya. — FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.